Stay at Home
Lumikha ng ubo ang singaw
Ng gabi. Nalasahan niya
Ang kamaong inereseta ng asawa
Sa kaniyang mukha.
Malansa ang hininga ng dugo
Sa ilalim ng ilong n’yang bali.
May bubog ng pinag-ipunang
Salamin sa sahig, kaya tila
Kumikindat ang liwanag
Sa kaniyang mga sugat
Na dati na ring pinamahayan
Ng mga lumayas na gasgas.
Parang nilaro ng ipu-ipo
Ang buhok n’yang ‘di na maalagaan.
Pinipitas niya ang mga ngiping
Sumambulat sa lamesa, tila bulaklak
Ang pagsilat niya rito —minamasdan,
Saka ihahalik sa daliri. Ingat na ingat
Niyang sinasalansa sa palad
Ang bawat rosas ng kaniyang ngiti.
Hindi siya pinahihintulutang lumabas,
May beerus pa, ani ng balasubas.
This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.