At sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag!”
At gayon nga ang nangyari.
At sa araw na iyon,
isasawika niya ang daigdig na hindi isinawika
bubukal mula sa kanyang bibig ang ngalan ng dilim
at mula sa alabok, papangalanan niyang muli
ang mga dambuhala sa dagat
at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig,
at mula sa kanyang nangangatog na bibig,
uusbong ang bagong ngalan
ng mga binhi at bungang-kahoy,
hanggang sa tumahan
sa kanyang kalagitnaan
ang kalawakang pananahanan
ng kanyang mga inibig:
mga eskinitang walang pangalan
mga ‘di maisawikang panaginip
Ano’ng kapangyarihang taglay ng pagsambit?
Ano’ng angking hiwaga ng pagpapangalan?
Kung hahayaang ibulid ang muntik sa bingit
upang mapatid ang imik, bubulwak sa bibig
ang bukal na aagos sa kanyang pilik
upang lunurin ang kanyang takot
at bahain ang sansinukob
at nang muling magsalikop
ang tubig
sa tubig
ang liwanag
sa dilim
hanggang sa ang gabi
ay hindi na gabi
at ang liwanag
ay hindi na liwanag
hanggang sa
ang buto ay hindi na buto
ng kanyang buto
at ang laman ay hindi na laman
ng kanyang laman
hanggang sa
si Eba ay
hindi na si Eba
at si Adan
ay hindi na si Adan
o diyos nasaan ang aming mga pangalan?
At sa ikapitong araw,
habang malugod na pinagmamasdan
ng diyos ang kanyang mga nilikha,
isasawika niya ang daigdig na hindi isinawika,
mamasdan ang kanyang ina,
bubuntong-hininga,
habang hinuhugot mula sa kanyang
tadyang ang kanyang
sarili.
This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.