Habang isinisilang ang araw
Sa silangan, bubuksan ng hamog
Ang mga mata at pahihigpitin 
Ng lamig ang bisig na nalanta 
Dahil sa kahapong dumaan.
Labimpitong buntonghininga 
Ang bibitawan sa malapad
Na mga dibdib saka lamang
Sisimulan ang paghakbang
Sa kayumanggi at matabang lupa. 
Malulubog sa kapit ng putik 
Ang mga paang binaluktot
Na parang mga kawayan.
Ihahagis ang mga butil sabay hihip
At dalangin mula sa sikmurang 
Kumakalam at nangangasim.
Ubo, pawis, at hikahos sa lilim
Ng sikat ng araw ang papatnubay
Sa bawat hakbang ng ritwal
Na isasagawa sa pupunlaan.
Maraming buwan ang hihintayin.
Mga butil ng ulan ang nais
Pumatak sa kakarampot na pangarap. 
Ibubuga sa daraang hangin
Ang hininga mula sa dibdib.
Magiging tubig sa palay ang pawis 
Na malalaglag mula sa mga bisig.
Pagsapit ng ikasiyam na buwan, 
Aanihin na ang gintong lupain,
Ay, natupad nga ang paulit-paulit 
Na pagbabantay at paghihintay 
Sa inusarang hikahos ng mga dalangin.
Ay, salamat sa Poong ibinigay ang araw 
upang patnubayan ang paglalayag.

 

By Adrian Pete Pregonir

Si Adrian Pete M. Pregonir ay isang makata mula sa Banga Timog Cotabato.Siya ay kasalukuyang mag-aaral ng Pambansang Mataas na Paaralan ng Banga. Bilang manunulat, lumitaw ang kaniyang mga akda sa Liwayway Magazine, Cotabato Literary Journal at ang salin niysng kuwento sa Spirits of the Philippine Archipelago. Naging fellow siya sa Davao Writers? Workshop 2018.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.