Categories
Play

Labada

Mga Tauhan:                                                     

Gina               30s, naka-daster, may suot na kwintas na rosaryo

Tetay              30s, naka-long sleeves at palda, may balabal sa ulo

Badet              30s, naka-spageti strap at maikling shorts

Bireng            30s, naka-t-shirt at shorts na pang-basketball

Tagpuan:

            Batis sa Nagcarlan, Laguna

Panahon:

Sabado de Gloria, alas-siyete ng umaga

ANG DULA:

Pagbukas ng entablado ay makikita ang isang batis na walang tubig.

Papasok si Gina mula sa kanang bahagi ng entablado na may dala-dalang planggana na puno ng labahing damit.

Mapapahinto si Gina sa makikita. Luluhod. Magdadasal.

Papasok naman si Tetay mula sa kaliwang bahagi ng entablado na may dala-dala ring planggana na puno rin ng labahing damit.

Mapapansin ni Tetay ang walang tubig na batis na nasa gitna ng entablado.

Categories
Fiction

Sanayan Lang ang Pagpatay

Mag-aalas kwatro ng madaling araw, nagpaalam kang umalis. Tumambad sa atin ang mga bote ng alak na iniwang gumugulong sa kalsada ng mga sundalong halos kauuwi pa lamang.

Mag-aalas kwatro ng madaling araw, nagpaalam kang umalis. Isang oras na mas maaga sa karaniwan mong gayak. 

Hindi ka pa nakalalayo ng bahay, nakarinig na ko ng magkakasunod na putok. Huwag daw akong lalapit at kahit magpumilit, anong laban ko sa dahas ng armadong militar?

Naging maligalig ang mga sumunod na araw. Nakipagbarilan ka raw, sabi sa radyo. Rebelde ang tawag sayo ni mayor. Isa ka raw sa sampung NPA na napatay sa shootout, balak parangalan ng Palasyo ang mga pumaslang sa iyo.

Gusto kong dukutin nang direkta ang bituka ko sa patong-patong na sakit na di ko na masikmura. Wala silang respeto sa alaala mo. Inangkin nila ang buhay mo at pinipilit nilang baguhin ang katauhan mong para bang sila ang may-ari.

Mag-aalas kwatro ng madaling araw, nagpaalam kang umalis. Bago buksan ang gate, sinigurado mong nasa bag ang baon mong tubig, lapis, at test permit. 

Categories
Fiction

Ang Huling Sayaw ni Sebyo

Ika-walo na ng umaga nang magising ako sa mga palakpak at halakhak ng mga drayber ng traysikel na naghuhuntahan sa labas. Kinusut-kusot ko ang aking mga mata . Napatingin ako sa kisame at naaninag ko ang mga butiking nag-akyat manaog dito at sa mga kantuhang haligi ng aking silid. Hinagilap ko  ang aking  salamin sa matang nakapatong sa munting mesa sa gilid ng aming kama. Pagkatapos ng saglit na pag-antada ay saka tumungo sa terasa ng aming bahay.  Natanaw ko ang mga drayber . Animo?y nanonood ng isang palabas nina Dolphy at Panchito. Nasa harap nila si Sebyo, kumakandirit at tumitili habang sumasayaw. Libang na libang ang mga drayber sa kanyang pagsayaw. Siya naman ay labis ang pagkaaliw sa kanilang paglilibang.

Suot na naman ni Sebyo ang kremang salakot. Kapag pabirong inaalis ito ng sinuman sa  Sityo Batong-Buhay,tila nahuhubaran si Sebyo. Patakbo siyang uupo saanman maibigan, ilalagay ang baba sa mga tuhod na nakatupi. Kasabay nito ay iniyuyuko niya ang ulo. At sa kahit anong palakpak at tawag, hindi siya tutugon. Hindi maipaliwanag ng sinuman, kahit ng mga matatanda sa sityo,kung anong taglay na kapangyarihan ng salakot niya. Kung bakit hindi mabuti ang dulot nito sa kanyang disposisyon.

Categories
Poetry

Bakal Dos at Uno

Nakatulos ang kandila sa gilid ng eskinita
nag-iisa, lumuluha
sa lunan kung saan pinigtas ang hininga
ni Marta noong ?sang gabing malamig
ng lalaki?t unipormadong chimera

-waring binusalan at piniringan ng mga pitada ang langit naging bulag, pipi at bingi ang paligid
sa mga samo ng dalagang ina
na kung makakapagsalita lang sana
ang nagkalat na mani, kendi, balut at pugo sa tabi ni Marta
ay t?yak papayapa ang kanyang kaluluwa
o ang poste ng ilaw na nakatirik ?di kalayuan
sa malamig na?t matigas na bangkay ng kilalang binaliw ng bato
sa madilim na sulok ng Bakal Dos at Uno
na kung tutuusi?y nakasaksi kung paano sumabog ang kanyang ulo
na waring sa naapakang ipis-

makalipas ang ?sang gabi, may nakatulos muling kandila
mukang ?alang ding kabusugan ang Hari ng mga Chimera.

Oktubre 4, 2018

Lungsod Quezon, Maynila

Categories
Poetry

Lawag

Kung paaalisin ay di kami payag,
Sa amin ang lupa?t sa amin ang bundok.
Lalabanan iyang kanilang pagpatag.

Nandito na kami mula bumagabag
Yaong Pinatubong poot na pumutok,
Kung paaalisin ay di kami payag.

Halos walang oras na di mapanatag
Pagkat tumalundos sa lupa ang lugmok,
Lalabanan iyang kanilang pagpatag.

May salaysay kami na di maihayag,
Kahit binusalan, ang wika ng tuktok:
?Kung paaalisin ay di kami payag!?

Kamao sa ulap ang aming kalasag
At sandantang tangan sa bagnos ng muok,
Lalabanan iyang kanilang pagpatag!

Araw na madilim ay magliliwanag
Kapagka sumabog ang aming himutok!
Kung paaalisin ay di kami payag,
Lalabanan iyang kanilang pagpatag!

9 Abril 2019
AKDA volume 5, KAMANDAG