Kapag sinusuong ko ang aking pantalon,
muli kong inaaral kung paanong
humakbang: unahin ang kaliwa;
dahan-dahang kilalanin
ang pagtaas-baba.
Binabalikan ko rito ang mga yabag
ng aking mga kalaro. Naririnig
ang kaluskos at paghila sa gusot ng tela
ang mga bulung-bulungan
ng aking mga kababata,
tinatawag ang mga pangalan ng iba.
Madalas, dito ako humihinto:
namumulikat sa sikip.
Pinalalaya ako ng gaspang
ng mga hibla sa suot na damit.