Mumunting flora
ang pamumukadkad
ng palad ng musmos
upang mamalimos
ng pansin sa tabi
ng simbahan:
sinasalo
ang bawat patak
mula sa alangaang.
Iluhog
sa kinabukasang
masisinagang muli
ang mga talulot ng awa.
Si Arthur David San Juan, 17, ay mula sa Lungsod ng Antipolo, Rizal. Kasalukuyan siyang nasa ilalim ng programa ng K-12 bilang mag-aaral sa Akademikong Track, STEM, sa Our Lady of Fatima University-Antipolo. Dati siyang representante ng SSG (Supreme Student Government) at kasalukuyang Pangulo ng kanilang klase. Siya rin ay naging Editor-in-Chief ng THE PILLAR Newspaper ng Harris Memorial College noong Grade 10. Dati na siya naging panauhin ng Ang Lapis ni Rizal, at ngayong taon nama'y naging isang fellow sa Angono National Writers Workshop. Nagtamo rin siya ng Ikalawang Gantimpala sa Pagsulat ng Tula sa Our Lady of Fatima University noong Buwan ng Wika 2018. Kasalukuyan siyang kasapi ngayon at opisyal sa organisasyong SamaFil (Samahan ng mga Mag-aaral sa Filipino) sa kanilang paaralan. Siya ang may-akda ng ?Sikreto sa Loob ng Kwarto?, na lumabas noong Abril, 2019.
Mumunting flora
ang pamumukadkad
ng palad ng musmos
upang mamalimos
ng pansin sa tabi
ng simbahan:
sinasalo
ang bawat patak
mula sa alangaang.
Iluhog
sa kinabukasang
masisinagang muli
ang mga talulot ng awa.
Kada tanghali,
iyong ipinagkakaloob
ang tamis ng ngiti
sa kristal na daigdig
ng paborito mong kendi.
Pinaiikid
ang mundong asukal
sa loob ng bibig; pinapawi
ang uhaw kasabay
ng masidhing pag-igting
ng pagtirik ng araw.
Parang uban
ng aking ina
ang hinabing sapot
ng gagamba.
Manipis
at buhol-
buhol ang hibla
na napipigtas
sa paghawi ng aking mga daliri.
Kapag sinusuong ko ang aking pantalon,
muli kong inaaral kung paanong
humakbang: unahin ang kaliwa;
dahan-dahang kilalanin
ang pagtaas-baba.
Binabalikan ko rito ang mga yabag
ng aking mga kalaro. Naririnig
ang kaluskos at paghila sa gusot ng tela
ang mga bulung-bulungan
ng aking mga kababata,
tinatawag ang mga pangalan ng iba.
Madalas, dito ako humihinto:
namumulikat sa sikip.
Pinalalaya ako ng gaspang
ng mga hibla sa suot na damit.