Categories
Poetry

Mula ng Tuwa Namin

Ina ng primera naming kaso
Ina sa kakapiranggot na butas sa kalasag
Ina ng buntong-hiningang hindi parinig
Ina ng nakatitiyak lang tayo kung abo
Reyna ng paninibago sa pinaglumaan
Reyna ng mga takot tumawag sa awtoridad
Maestra ng pisara sa dilim

Birhen ng tela lalo’t angkop ang materyales
Birhen ng mga halamang-ugat
Ina ng sampu na raw sila sa barangay
Birhen ng belo sa bibig
Birhen ng sino sa inyo ang hindi nagbuhos
Birhen ng mawawalan kami ng trabaho kung hindi kayo magtitiis
Birhen ng mga paliwanag at maaari na kayong lumabas

Ina ng nasaan kasi sa listahan
Ina ng mga hindi mabalikan sa kani-kanilang mga hawla
Santang birhen ng ika-17 ayuda
Pasobrang birhen ng langis ng buko
Birtud ng birtuwal
Korona ng mga puting butil ng buhangin
Luklukan ng mga karaniwang kemikal

Garing na koral ng mga puting elepante
Piyansang nakalaan para sa mga hepe
Hiwaga ng panghihinayang sa kahol ng ayaw maligo
Inang hindi madadaan sa kumpuni
Inang ipinaglihi nang wala pang resulta
Ina ng wala pa iyan sa mesa
Salamin ng dating kakiskisang-siko

Ang tala ng mga nagtagpo sa bubong
Ina ng marahang itinaas na paa
Ina ng hindi mo ba talaga ibababa ang boses mo
Santang birhen ng wala sa oras
Reyna ng hindi inaasahang himig
Sisidlan ng lambing
Sisidlan ng magulang na okra

Birhen ng mga pinantay na uri
Ina ng mga pinisat na burol
Butihing ina ng koreksyonal
Inang pambato ng langit
Apoy sa kabila ng sigwa
Batis ng mga paliwanag sa bulaan
Saklolo ng pinatag na paaralan

Huling balat ng sibuyas
Mata ng pobre
Sisidlan ng ikinahihiyang galit
Rosas ng hindi mabisi-bisita
Ina ng ilog
Birhen ng hindi matatawarang himbing
Santang birhen ng sundo


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Dennis Andrew Aguinaldo

Nagtuturo ng mga kursong pampanitikan si Dennis Andrew S. Aguinaldo sa Departamento ng Humanidades. Naging fellow siya ng mga palihan para sa malikhaing pagsusulat: sa AILAP, UST, UP, at IYAS. Inilathala online ang kaniyang mga piyesa’t collab sa Daluyan, Gnarled Oak, hal., Kritika Kultura, {m}, Plural, Softblow, at iba pa. (May ilang imbak sa kaniyang blog, tekstongbopis.blogspot.com.) May-akda siya ng mga aklat na Shift of Eyes at Bukod sa maliliit na hayop.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.