Categories
Poetry

Mga Bulong ng Isang Bugkot Mula sa Biringan City

Hindi tanang nawawala ay sumakabilang-búhay—
Ako itong si Convida, isang bugkot na totoong
Inadhikang makawala upang makapagbanyuhay.

Gabi noon nang maligaw sa labirinto ng parang,
Lumagos sa punong toog upang lisanin ang mundong
Hindi tanang nawawala ay sumakabilang-búhay.

Nang bumalik ang ulirat, binabagtas na ang dalan
Tungo sa gintong bulwagang ang pawang nagsipagdalo’y
Inadhikang makawala upang makapagbanyuhay.

Inalok, tinakam ako ng kaning itim sa dúlang
Na gayuma ng engkantong bumubulong ng ganito:
“Hindi tanang nawawala ay sumakabilang-búhay….”

Namahay, namuhay ako sa siyudad ng Biringan,
Pagkat dito’y walang bagyo, kung maghanda’y parang Pasko,
Inadhikang makawala upang makapagbanyuhay.

Naririto ako ngayon, ang hanap ay madadaay,
Binubulong na sa hangin ang orasyong panunukso:
“Hindi tanang nawawala ay sumakabilang-búhay;
Inadhikang makawala upang makapagbanyuhay.”


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Mark Bonabon

Si Mark P. Bonabon ay makata at senior high school teacher mula sa Biri, Hilagang Samar. May mga akda na siyang nailathala sa Liwayway, Philippines Graphic, The Modern Teacher at Novice. Naging fellow siya sa Iligan National Writers Workshop noong 2018 at Lamiraw Creative Writing Workshop noong 2017 at 2019, at Palihang LIRA ngayong taon. Para sa kaniyang masteradong tesis, isinalin niya sa Waray ang The Prophet ni Kahlil Gibran.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.