May panahong kailangang iwan kita
habang ika’y aking hinihintay na mamukadkad
at handa nang anihin ang bunga
ng ating pag-iisa.
Huwag ka sanang malungkot
kung sakaling ako’y lalayo,
kung sakaling ako’y kunin
bilang manggagawa sa konstruksyon
o kargador sa bodega ng sigarilyo.
Huwag mo sanang isipin
Na kaya kitang limutin
‘di mangyayari ‘yun!
Naka-ugnay kaya ang aking bituka
sa mga ginintuang butil sa ‘yong ulo.
Isa lang ang hiling ko,
ikaw muna sana ang bahala sa mag-iina ko
at pagbalik ko
asahan mo ang pasalubong ko sa ‘yo—
bagong panali, bagong karayom at bagong sako.
Sa dapit-hapon, alalahanin mo lang
ang mga sandaling nagpapalipad ako ng saranggola,
sa agaw-dilim, balikan mo ang mga salamisim
kung paano nag-alay noon si Inang ng atang
sa matandang puno ng Mangga,
sa bukang-liwayway, hayaan mong tangayin ka
ng malamig na patubig mula batis,
hayaan mong manuot sa kaibuturan mo
ang bawat hampas ng panabas sa pilapil
ang bawat paglusak ng kalyadong paa sa ‘yong dibdib
ang bawat pagbaon ng mga daliring tangan
ang binhi ng kanilang pag-asa
ang bawat patak ng pawis at luhang
umaasam na ika’y maging kanila
balang araw.
Setyembre 18, 2018
Lunsod ng Queson, Maynila
*Ang salitang ‘gawat’ ay salitang iloko na ang ibig sabihin ay tiempo muertos; ang ‘atang’ naman ay alay na pagkain para sa mga lamang-lupa.