Fiction

Kung Pwede Lang

Paubos na ang laman ng long neck na Emperador pero hindi pa rin nagkikibuan sina France at Noel. Nag-aabutan lang sila ng tagay. Nagpapalitan ng tingin at nagsasagutan ng buntong-hininga. Sa labas ng isang maliit na patamaran, nakapagitan sa kanila ang isang maliit na mesa kung saan nakapatong ang mangkok ng halos hindi nagalaw na tokwa’t baboy. Sa ilalim ng mesa ay nagkalat naman ang upos at filter ng sigarilyo. Paubos na ang isang kahang dala ni France.

Tahimik lang din na nakatunghay ang puno ng palapat sa likuran ng dalawang binata. Bihira ang dumadaang bangkang de-motor. Walang imik ang itim na asong alaga ng tatay ni Noel; busog marahil sa napanis na kanin na hinaluan ng simi ng inihaw na bangus.

Pangkaraniwan naman ang ganitong katahimikan sa maliit na palaisdaan nila Noel. Ngunit nakapagtatakang tila mas nakabibingi ang kawalang ingay noong hapon na iyon.

Read More

Man-og

“Kadamo na gid sang man-og sa palibot subong ‘day, no?” Bungad sa akin ni Vinus, na isa sa mga bestfriend ko sa high school.

Umaga iyon. Nakatayo kaming dalawa sa tabi ng basketball court ng eskuwelahan habang pinanonood si Manu na nakikipag-agawan ng bola at nakikipaghabulan sa mga kapwa binatang kalaro nito.

“Kadamo na gid sang man-og sa palibot.” Ulit niya sa mas mabigat na boses. Nakasunod pa rin ang mga mata sa nagugustuhang binata. Hindi niya maidapo ang paningin sa mga mata ko gayong ako naman ang kausap niya.

Read More

Sodom at Gomorrah

“Don’t make another Sodom and Gomorrah out of this classroom.” Halos pumutok na ang mga ugat sa leeg ng fourth year adviser namin nang humarap siya sa klase.

May nagsumbong daw sa kanya. Ginagawa raw parausan ng ilan sa amin ang banyo ng homeroom. Tahimik ang lahat. Nagpapakiramdaman. Hindi naman maitago ng ilan ang mga nakaimprentang question mark sa noo. Isa ako sa mga nakikiramdam. Pasulyap-sulyap sa dalawa kong kaklase – kina Rik at Edsel.

Absent ang adviser namin noong isang araw. Kapag wala ang teacher, wala ring klase sa subject niya. Libreng oras. Huwag lamang labas nang labas sa classroom at baka maimbitahan sa principal’s office na katabi lamang ng kuwarto namin. Para hindi masayang ang isang oras na walang matututuhan, magdadaldalan ang karamihan sa amin. Ang ibang mga grade conscious, magrereview o kaya’y gagawa ng assignment na ipapasa kinabukasan. Ang iba, maglalabas ng songhits at magkakantahan ng A1, Westlife, at M2M songs.

Read More

Kumpisal

Alas diyes ng gabi nang magkita kami ni Thirdy sa tagong bahagi ng simbahan sa banwa. Sa gilid kung saan mayabong at mataas ang tubo ng mga pandekorasyong halaman. Hindi ito ang una naming pagkikita. Sa katunayan, pangatlong beses na ito. Pero ito ang unang beses na kaming dalawa lamang ang magsasalo sa lamig ng gabi.

Sa bahaging ito rin ng simbahan kami unang nagkita noon. Tatlo kami. Ako, siya, at ang isa pang kaibigang agí na mas higit ang tanda sa akin – si Dasay. Kasabay ko si Dasay noong gabing iyon na naglalakad pauwi galing sa bahay ng isa pa naming kaibigan. Sa labas pa lamang ng simbahan ay nilapitan na siya ni Dasay pagkatapos mag-usap ng kanilang mga mata. Pagkatapos ng ilang sandaling bolahan, himasan, at bulungan ay nagkasundo na sila.

Sabay-sabay kaming pumasok sa gate ng simbahan at dumiretso sa tagong bahagi nito. Para bigyan sila ng pribadong oras, lumayo ako nang kaunti at nagtago sa anino ng nagtataasang mga halaman kasama ang nanginginig na gabi, habang sinisiguradong natatanaw ko pa rin sila.

Read More

Bukas Ulit ng Gabi

Isang maulang gabing pikit ang bituin; tulog ang buwan. Walang nakakita, walang nakaalam. Walang saksi sa panandaliang pagtatampisaw sa ulan. Bawat patak ay hindi ingay kundi musika. Bawat kulog ay hindi takot kundi lugod. Bawat kidlat ay hindi sakit kundi sarap.

Malamig man ay bukal ang dugo. Uhaw ang dalawang boteng umapaw sa patak ng ulan. Wala man mapasukan, naghanap pa rin ng lagusan. Kung wala man no’n ay may haguran. Kahit ano’y gagawin, makatasan lamang.

Read More