Isang araw, tinawag ng liwanag ang mga batang naulila ng onsehan, gang war, hitman ng mga hindi nag-remit ng napagbentahan, palit-ulo, death squad ng sekta at frat, mga pulis na kumuquota para sa balato at ranggo. Tinawag sila ng liwanag na kasimbilis ng kisap sa bibig ng ipinutok na baril. Tinawag sila ng liwanag na kasingnipis ng kislap na nanalamin sa patalim. Tinawag sila ng mga kasing-edad nilang tinamaan ng mga ligaw na bala. Tinawag sila ng mga kasing-edad nilang nanlaban. Lilingunin nila ang liwanag, bibitawan ang bigat ng hawak o pasan. Titindig silang sumusulak ang gantindusa sa mga mata.
Si Mark Anthony Angeles ay isang full-time instructor sa Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng Edukasyon ng Unibersidad ng Santo Tomas. Kasama sa mga aklat niya ang Kuwento ng Dalawang Lungsod, isang salin sa Filipino ng A Tale of Two Cities ni Charles Dickens, na inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino at National Commission for Culture and the Arts noong 2018. Ang kaniyang kontribusyon ay ang huling tatlong dagli sa kaniyang Ang Huling Emotero, isang koleksiyon ng 144 dagli at isang kritikal na papel na tumalunton sa kasaysayan ng nasabing katutubong anyo sa bansa. Inilathala ito ng University of the Philippines Press noong 2021.