Bakla 
ay korona 
ng kamay
ay palasyo 
ng kalabit at titig 
ay katedral 
ng halik 
at pagtatalik 
bakla ay paghila 
sa dilim lihim 
muling panananalig 
na malulusaw 
ang damit
ng lungsod 
na may lason 
ang bibig bakla 
ay lohika 
ng pandama 
ay nanunuot 
sa mga eskinita 
ang iyong sugat 
ay parang lalaking 
kay daling 
mababasag bakla 
ay huwag 
humingi 
ng paumanhin 
sa aparador 
ay huwag 
matakot 
sa salamin 
bakla ay 
awra at 
barikada
ganda
at protesta 
ay hindi 
matahimik
na ligaya
bakla ay 
rumarampa
sa mga lansangan 
kahit pagmamahal 
kahit dangal
ay pakikidigma 
bakla ay 
pag-asa
at pagnanasa 
sa isa’t isa bakla 
ay nais kitang 
makasama
makitang 
umuwi 
sa kabilang 
bahagi ng gabi 
doon totoo
ang mundo
doon totoong  
nabubuhay 
tayo sa mundo.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Mirick Paala

Si Mirick Paala ay kasalukuyang mag-aaral ng MA Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Dati nang naging fellow si Mirick sa Ateneo National Writers’ Workshop, Luntiang Palihan, at UST National Writers’ Workshop. Lumabas na rin ang kaniyang mga akda sa mga sumusunod na publikasyon: Revolt Magazine, High Chair, Heights, transit online at Katipunan Journal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.