Categories
Poetry

Partes

Kandila ang mga tinagpas na ilong
Puto ang matang tinusok ng tinidor

Magdiriwang tayo sa kaarawan ng diktador

Sausage ang mga bitukang binuhol-buhol
Balloons ang mga ulong pinala’t pinalakol

Magdiriwang tayo sa kaarawan ng diktador

Pininyahan ang mga tinalupan na sakong
Lumpia ang mga kuko at daliring pinutol

Magdiriwang tayo sa kaarawan ng diktador

Barbecue ang bayag na pinaso sa apoy
Sandwich ang susong hinati sa utong

Magdiriwang tayo sa kaarawan ng diktador

Imbitahan ang mga estudyanteng binaon
Imbitahan ang mga gurong kinordon
Imbitahan ang mga paring kinapon
Imbitahan ang mga magsasakang nilitson

Ang lahat ay dumalo, ito ay selebrasyon
Magdiriwang tayo sa kaarawan ng diktador


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Brixter Tino

Si Brixter Tino ay tubong Perez, Quezon at kasalukuyang kumukuha ng Journalism sa Polytechnic University of the Philippines.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.