Categories
Poetry

Akó/Akò

Ang kasaysayan ng bakla ay kasaysayan ng pagtatanggi. 

Hindi ko ito maitatanggi. May pitong taong ako, 

Walang malay sa posibilidad ng daigdig, wala pang hinagap 

Sa lohika ng mga lalaki; ang sabi ng angkol, sunda-sundaluhan 

At baril-barilan ang laro ng tunay na matitikas. 

Para akong pinaltik noon sa dibdib. Gawa-gawang mitong 

Pinag-inugan ng musmos kong mundo. Parating angas, 

Tapang, tipuno. Ibinubukod ang lambot, isinasalansan 

Ang hinhin. May pakiramdam na laging nakaamba ang tukso 

At buyo ng mga kalaro. Pinakamatalab ang salita ng papang. 

Categories
Poetry

Kahel

sapo-sapo ang daigdig 

sa palad

ang bilugang hubog 

marahang-marahan 

tinutuklap ang balat 

na parang alaala

hanggang marating 

ang pinakaubod 

ang pinakatatago

tinatahak ng daliri 

ang laberinto ng likido 

hanggang pumailanlang 

sumaboy ang katas

magpasirko-sirko 

sa isipan

hanggang magmantsa 

mag-iwan ng tinta

sa puting damit 

magmamarka

ang seksuwalidad 

tulad nitong bunga

Categories
Poetry

Sa Darating

Sa aking mundo, ang katumbas ng pag-ibig ay pagsuong sa aking balat, sa lawak nitong lahat. Ibig kong sabihin, isang silid ang aking dibdib. Hayaan mong patuluyin kita. Tuklapin ang aking puso, bagtasin ang bawat lalim, bawat babaw. Na para bang binabalikan ang sariling kasaysayan. Sa loob, madaratnan mo ang aking ubod, ang mga nakasalansan kong bahagi. Lahat ng rikit at gimbal. Mga alipatong alaala, natupok na pagkalalaki. Mula sa abo, masdan mong mag-anyo ang aking anino, ang aking kabuuan. Tangan-tangan ang bagong ningas, ang aking seksuwalidad, na magliliyab sa iyong dibdib. Magmamarka sa bawat bahagi ng iyo. Buong-buo. Tila imaheng nililok sa marmol. Sa ganito mo matututuhang angkinin ang sarili, pilasin ang lahat ng pagpapanggap. Magmahal nang walang takot sa sariling mitsa. Saka mo sabihin sa aking handa ka na sa alok kong apoy.

Categories
Poetry

Alagwa

Kanina iniuwi ng lalaking natipuhan sa jeep
Nagkatitigan ang mga mata
Sabay na bumaba sa Libertad
Ginalugad ang katawan ng isa’t isa
Nagpalitan ng laway, naghalo ang pawis 
Itinakwil ang pigil
Siniil, nilapirot, umibabaw
Hanggang marating ang glorya
Ang ika-siyam na hantungan

Ngayon 
Naglalakad sa kahabaan ng Cabrera
Malamlam ang mga ilaw
Kaytahimik ng gabi
Ulilang tanglaw ang buwan
Nilisan ng mga bituin

Categories
Poetry

Muni-muning Pagyakap sa Pagiging Mapag-isa’t Malaya sa Ilalim ng Buwan at Ibabaw ng Kamatayan

Mainit, kaya binuksan ko ang durungawan
Madilim, kaya inaya ko ang liwanag ng gabi
Mag-isa, kaya ako’y nagdasal
Humingi ng tawad, humingi ng basbas
Sa poon ng buwan at ng kamatayan

Sa ganitong oras na tahimik ang tahanan
Walang nang taong hindi tulog
Ngunit hindi ang damdamin kong kumakabog
Buhay na buhay ang dugo kong kumukulo
Na biglang tumatamlay pagdilat ng araw