Tumbang Preso

     “House panel OKs
     bill lowering age
     of criminal liability”
     – Phil. News Agency, Enero 2019

Minsan pagkatapos ang tagisan
sa aming kuwentuhan sa tindahan
ni Aling Bebang, napatanong ako
kung saan kaya dumidiretso
itong mga presong
pinatutumba raw namin
sa tuwing umaasinta
ng sintang lata
gamit ang mga tsinelas na binili
sa Divisoria.

Anubayang tanong mo, pambobo,
sagot ng kalaro kong si Ernesto.
E ‘di siyempre bumabalandra sa kalsada,
dagdag niyang animo’y isang eksperto.
Sabay takbo sa malayong-malayo,
sabay sigaw sa’min na mga kalaro:
Mahuli sa court, bansot at supot!
Sabay harurot, silang mahaharot,
habang ako ay
naiwang
nakapulupot.

Hindi siguro nila nabalitaan
ang bagong panuntunan sa laro ngayon:
kung yung batang blondie nga
sa lata ng Alaska, preso nang
ipinatutumba, papaano pa kaya
kami raw na ang mga alas at lakas lang
ay mang-alas at mang-
alaska?

Atras, kalas, o baklas na?