Tanggalin ang ulo.
Sipsipin ang malinamnam na katas
hanggang pumutla ang balat nito.
Kalasin ang maiikling paa,
ang taklob ng katawang nakakurba,
saka isunod na hilahin ang buntot.
Ilubog sa sukang may bawang at sili,
isubo ang kalamnang sumubok
sa kakayahan mong maghintay
hanggang dulo ng sabik na pagtatalop.

Ganito ang pananabik niya 
habang minamasdan ang pagbabalat mo
ng lamang-dagat na hindi niya kayang himayin. 
Lagyan mo ng ilan ang pinggan niya.
Tunghayan mo ang gutom niyang paglasap
sa pagkaing dumaan sa mga kamay mong
nangingintab sa mantika, tingnan mo
ang baso niyang may yelo na kanina lang
ay dinakot mo ng kamay at tinanggap niya
nang walang pag-aalinlangan.

Ganito kayo sa isa’t isa: siya,
na tanging sa kamay mo nagtitiwala;
ikaw, na nabubusog na sa pagdakot
at pagbabalat ng mga bagay-bagay
na hindi kahit minsan magiging sapat
upang masumpungan ang kanyang kabuuan.

By Johann Vladimir Espiritu

Johann Vladimir J. Espiritu is an associate professor of literature from De La Salle University where he earned his PhD in Literature in 2017. He teaches courses on creative writing, art, and gender studies. He writes fiction and poetry and has also worked as managing and assistant editor for the now-defunct Ideya: Journal of the Humanities and the CCP Encyclopedia of Philippine Art (Film Volume), among others.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.