Ina ng primera naming kaso
Ina sa kakapiranggot na butas sa kalasag
Ina ng buntong-hiningang hindi parinig
Ina ng nakatitiyak lang tayo kung abo
Reyna ng paninibago sa pinaglumaan
Reyna ng mga takot tumawag sa awtoridad
Maestra ng pisara sa dilim
Birhen ng tela lalo’t angkop ang materyales
Birhen ng mga halamang-ugat
Ina ng sampu na raw sila sa barangay
Birhen ng belo sa bibig
Birhen ng sino sa inyo ang hindi nagbuhos
Birhen ng mawawalan kami ng trabaho kung hindi kayo magtitiis
Birhen ng mga paliwanag at maaari na kayong lumabas
Ina ng nasaan kasi sa listahan
Ina ng mga hindi mabalikan sa kani-kanilang mga hawla
Santang birhen ng ika-17 ayuda
Pasobrang birhen ng langis ng buko
Birtud ng birtuwal
Korona ng mga puting butil ng buhangin
Luklukan ng mga karaniwang kemikal
Garing na koral ng mga puting elepante
Piyansang nakalaan para sa mga hepe
Hiwaga ng panghihinayang sa kahol ng ayaw maligo
Inang hindi madadaan sa kumpuni
Inang ipinaglihi nang wala pang resulta
Ina ng wala pa iyan sa mesa
Salamin ng dating kakiskisang-siko
Ang tala ng mga nagtagpo sa bubong
Ina ng marahang itinaas na paa
Ina ng hindi mo ba talaga ibababa ang boses mo
Santang birhen ng wala sa oras
Reyna ng hindi inaasahang himig
Sisidlan ng lambing
Sisidlan ng magulang na okra
Birhen ng mga pinantay na uri
Ina ng mga pinisat na burol
Butihing ina ng koreksyonal
Inang pambato ng langit
Apoy sa kabila ng sigwa
Batis ng mga paliwanag sa bulaan
Saklolo ng pinatag na paaralan
Huling balat ng sibuyas
Mata ng pobre
Sisidlan ng ikinahihiyang galit
Rosas ng hindi mabisi-bisita
Ina ng ilog
Birhen ng hindi matatawarang himbing
Santang birhen ng sundo
This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.