Kalimutan mo muna ang agham,
silayan ang langit sa malayang isipan.

  Kalimutan mo muna:

     na hindi talaga patay-sindi
ang ningning ng mga tala,
at ipinagtagni-tagning alikabok lang
ang nagpapakislap sa banaag nito?
isipin mo na lang na may talukap
din ang mga bituin, kailangang
kimisap maya’t maya, at
tuwing umaga’y humihimbing.

     na pundido talaga ang buwan
walang sariling sinag, at
nananatiling bilog kahit kailan?
isipin mo na lang na may mga ugali
rin ito, kaya pabago-bago ng mukha
at kumikinang lang sapagkat
binigyang halaga.

     na nakalipas na lahat ng
natatanaw mo sa kalawakan?
isipin mo na lang na isa siyang gala
walang pakialam sa oras, at
walang hinahabol na
pagpupulong o pagkikita.

  Kalimutan mo . . . na ang lahat
      ng kasalukuyan ay tapos na.

Sige na, kalimutan mo muna

ang lohika,

   at

marahang

magsayaw

    sa

entablado ng kamangmangan

By Stud Neil Jader

Si Stud Jader isang tambay na (buti naman) ay nakapagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas Los Ba?os. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang isang inhinyero sa isang subdibisyong pabahay sa Calamba, Laguna. Kung minsan, siya?y napapadaloy ng mga palihan tungkol sa mga katutubong instrumento ng Pilipinas, at kung minsan din ay naggigitara sa isang banda. At para maiba naman, sumusulat siya ng tula tuwing may pitik at haplos sa kamalayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.