Ka-wala-kan

Kalimutan mo muna ang agham,
silayan ang langit sa malayang isipan.

  Kalimutan mo muna:

     na hindi talaga patay-sindi
ang ningning ng mga tala,
at ipinagtagni-tagning alikabok lang
ang nagpapakislap sa banaag nito?
isipin mo na lang na may talukap
din ang mga bituin, kailangang
kimisap maya’t maya, at
tuwing umaga’y humihimbing.

     na pundido talaga ang buwan
walang sariling sinag, at
nananatiling bilog kahit kailan?
isipin mo na lang na may mga ugali
rin ito, kaya pabago-bago ng mukha
at kumikinang lang sapagkat
binigyang halaga.

     na nakalipas na lahat ng
natatanaw mo sa kalawakan?
isipin mo na lang na isa siyang gala
walang pakialam sa oras, at
walang hinahabol na
pagpupulong o pagkikita.

  Kalimutan mo . . . na ang lahat
      ng kasalukuyan ay tapos na.

Sige na, kalimutan mo muna

ang lohika,

   at

marahang

magsayaw

    sa

entablado ng kamangmangan

kamatis march

araw-araw siyang nagmamartsa
sa tapat ng bahay namin

nakasampay ang sako sa likuran
habang inuusisa ang aming

basurahan sa kung ano mang maglilikas
sa bagyo ng kanyang gutom

boteng pambenta o mga
papel o bakal na maipakikilo pa.

minsan akong nagpatalo sa awa’t
konsensya: nag-iwan ng tatlong pisong

barya sa tabi ng kalkalan, sukli
sa sinakyang traysikel

tinitigan niya ito, at hindi ginalaw
habang isa-isang dinadampot

at pinapagpag ang mga padurog
at pabulok nang kamatis nawalang-panghihinayang kong
itinapon kaninang umaga.