1
kwadrado
ang hugis ng lungkot;
ang dingding
na namamagitan sa atin.
ngunit anong hugis
ang hinuhulma ng ating palad
sa panahong yakap natin
ang ating sarili, namamaluktot
sa higaan, pilit na ikinukuyom
ang lahat ng hindi
maaaring sambitin?
2
nakahupay
ang ating silid.
sinubukan kong baguhin
ang mga linya.
may gaan sa pagpapagpag
ng mga kumot at unan?
nakita kong umaalpas
ang lungkot sa alimpuyo
ng kumakawalang alikabok
3
nakatanghod ako
sa isandekadang halaga
ng mga kubo.
hayaan mong isilid ko
ang natitira nating bagahe
sa mga abandonadong espasyong ito.
4
pagitan,
isang daigdig ng espasyo
kung saan hindi natin makausap
ang isa’t isa.
5
paumanhin,
wika ng lungkot,
kung kailangan kong manatili,
hindi ko matagpuan
ang aking hangganan