Hindi tanang nawawala ay sumakabilang-búhay—
Ako itong si Convida, isang bugkot na totoong
Inadhikang makawala upang makapagbanyuhay.
Gabi noon nang maligaw sa labirinto ng parang,
Lumagos sa punong toog upang lisanin ang mundong
Hindi tanang nawawala ay sumakabilang-búhay.
Nang bumalik ang ulirat, binabagtas na ang dalan
Tungo sa gintong bulwagang ang pawang nagsipagdalo’y
Inadhikang makawala upang makapagbanyuhay.
Inalok, tinakam ako ng kaning itim sa dúlang
Na gayuma ng engkantong bumubulong ng ganito:
“Hindi tanang nawawala ay sumakabilang-búhay….”
Namahay, namuhay ako sa siyudad ng Biringan,
Pagkat dito’y walang bagyo, kung maghanda’y parang Pasko,
Inadhikang makawala upang makapagbanyuhay.
Naririto ako ngayon, ang hanap ay madadaay,
Binubulong na sa hangin ang orasyong panunukso:
“Hindi tanang nawawala ay sumakabilang-búhay;
Inadhikang makawala upang makapagbanyuhay.”
This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.