Categories
Poetry

Bastardo

Hindi ba ito ang inaasam— ang pasukin

ng estranghero ang likuran 

na parang may espadang humihiwa 

sa laman, hinahalukay ang bituka hanggang

matunton ang pinakainiingat-ingatang sityo 

ng sarap at sakit. Ang sarap at sakit. 

Walang kahiya-hiya, walang kawala-wala 

nagtitiwala, sumusunod

sa katawang hinahawan ang daan 

tungo langit — May hitsura ka naman pala, ano

Hindi ka rin talaga makapagpigil, ano. 

Hindi mo rin maiwasan na angkinin 

itong karanasan, ano. 

Walang-wala kang maibibigay

kundi basura, ano. Dahil ikaw ito,

lungsod. Ikaw ito 

na minamanipula kami laban sa aming katawan 

sa aming sarili at ikaw

ang laging nagwawagi, magwawagi sapagkat 

sa iyo ang kamay na mahigpit

ang kapit sa aming bituka

panaginip, pighati. Ipinapamukha sa amin na ikaw,

ikaw lamang ang kaasam-asam, ikaw ang diyos 

na magtatawid sa mahaba at malamig 

na gabi hanggang ikaw ay makaraos 

ikaw lamang ang nakakaraos

samantalang kami, mga mabubuting

mamamayan, naiiwan 

nililinis ang katawan

pagkatapos ng dugo, pawis, at dumi.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Mirick Paala

Si Mirick Paala ay kasalukuyang mag-aaral ng MA Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Dati nang naging fellow si Mirick sa Ateneo National Writers’ Workshop, Luntiang Palihan, at UST National Writers’ Workshop. Lumabas na rin ang kaniyang mga akda sa mga sumusunod na publikasyon: Revolt Magazine, High Chair, Heights, transit online at Katipunan Journal.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.