Hindi ba ito ang inaasam— ang pasukin
ng estranghero ang likuran
na parang may espadang humihiwa
sa laman, hinahalukay ang bituka hanggang
matunton ang pinakainiingat-ingatang sityo
ng sarap at sakit. Ang sarap at sakit.
Walang kahiya-hiya, walang kawala-wala
nagtitiwala, sumusunod
sa katawang hinahawan ang daan
tungo langit — May hitsura ka naman pala, ano.
Hindi ka rin talaga makapagpigil, ano.
Hindi mo rin maiwasan na angkinin
itong karanasan, ano.
Walang-wala kang maibibigay
kundi basura, ano. Dahil ikaw ito,
lungsod. Ikaw ito
na minamanipula kami laban sa aming katawan
sa aming sarili at ikaw
ang laging nagwawagi, magwawagi sapagkat
sa iyo ang kamay na mahigpit
ang kapit sa aming bituka
panaginip, pighati. Ipinapamukha sa amin na ikaw,
ikaw lamang ang kaasam-asam, ikaw ang diyos
na magtatawid sa mahaba at malamig
na gabi hanggang ikaw ay makaraos
ikaw lamang ang nakakaraos
samantalang kami, mga mabubuting
mamamayan, naiiwan
nililinis ang katawan
pagkatapos ng dugo, pawis, at dumi.
This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.