Tanggalin ang ulo.
Sipsipin ang malinamnam na katas
hanggang pumutla ang balat nito.
Kalasin ang maiikling paa,
ang taklob ng katawang nakakurba,
saka isunod na hilahin ang buntot.
Ilubog sa sukang may bawang at sili,
isubo ang kalamnang sumubok
sa kakayahan mong maghintay
hanggang dulo ng sabik na pagtatalop.
Ganito ang pananabik niya
habang minamasdan ang pagbabalat mo
ng lamang-dagat na hindi niya kayang himayin.
Lagyan mo ng ilan ang pinggan niya.
Tunghayan mo ang gutom niyang paglasap
sa pagkaing dumaan sa mga kamay mong
nangingintab sa mantika, tingnan mo
ang baso niyang may yelo na kanina lang
ay dinakot mo ng kamay at tinanggap niya
nang walang pag-aalinlangan.
Ganito kayo sa isa’t isa: siya,
na tanging sa kamay mo nagtitiwala;
ikaw, na nabubusog na sa pagdakot
at pagbabalat ng mga bagay-bagay
na hindi kahit minsan magiging sapat
upang masumpungan ang kanyang kabuuan.