February 2021

Demolisyon

Sa masikip na looban,

Sing-init ng kape ang mga taong nababahala

Lahat sila’y ‘di magkandaugaga-

Taym-pers muna ang mga batang 

Nagmumurahan sa pagtatakbuhan,

Pati sila Chukoy na sumisistema’y nagpulasan,

All-out tuloy sila aling Gema sa pagtsitsismisan

Kumawala ang mga katanungang:

“Puta, san tayo mapupunta n’yan?”

Read More

Utang

Kukuwentahin ko kung ilang sinulid ang ginamit ko para ipinid ang aking bibig. Bibilangin ko kung ilang karayom ang nabali sa pagtahi ko ng aking labi. Bibilangin ko kung ilang lubid ang ginamit ko para posasan ang sariling kamay. Kung ilang bulak ang isiniksik ko sa aking mga mata. Para ipagpalit sa aking mga mata. Itatala ko ito lahat. Iuukit ko ito sa aking likod, sa balat, laman, at buto. Bubudburan ko ang katawan ko ng abo. Maliligo ako sa abo. Pupunuin ko ang mga lamat na iniukit ko ng abo. Magtatago ako sa sako.

Matapos lang ito lahat, sisingilin ko din ang mundo.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

Salaysay ng mga Hindi ko Sinali sa Opisyal na Ulat

Nakakatuwa tuwing nabubunot ang pinagsisikapan mong kutkutin, tulad ng langib o ligaw na buhok. May iba’t ibang baon na panganib ang motorsiklo, ngunit hindi mo mababalutan ng proteksyon ang buong katawan nang hindi pinapagpalit ang kaluwagan ng paggalaw. Kinailangan kong habaan ang una kong hiwa. Madulas ang bakal sa bakal kapag napapadulas ang dalawa ng mantika. Maraming gamit ang daliri ng tao. Malaman ang hita ng tao. Hindi nauunawaan minsan ang trahektorya ng bala. Hindi daw masakit pero hindi halata sa kanyang mukha. Halata ang agwat sa mga pangyayari sa mundo kung saan gumagalaw ang mga himala. Mas makunat ang balat sa likod kaysa sa harap. Para kang tumutumba ng baka tuwing nagbabalik ka ng natanggal na balakang. Hinabaan ko ang una kong hiwa dahil kulang ang haba upang magkasya ang bala na nakasipit. Mabisang pampawala ng sakit minsan ang panloloko. Mabisang proteksyon minsan ang taba. Hindi mabisa ang sipit humawak kapag hindi mabisa ang daliri na humahawak. Mas maganda sa aking inaasahan ang sugat nang sinara ko na muli ang balat.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

Pula ang Unang Kulay ng Bahaghari

Bakla 
ay korona 
ng kamay
ay palasyo 
ng kalabit at titig 
ay katedral 
ng halik 
at pagtatalik 
bakla ay paghila 
sa dilim lihim 
muling panananalig 
na malulusaw 
ang damit
ng lungsod 
na may lason 
ang bibig bakla 
ay lohika 
ng pandama 
ay nanunuot 
sa mga eskinita 
ang iyong sugat 
ay parang lalaking 
kay daling 
mababasag bakla 
ay huwag 
humingi 
ng paumanhin 
sa aparador 
ay huwag 
matakot 
sa salamin 
bakla ay 
awra at 
barikada
ganda
at protesta 
ay hindi 
matahimik
na ligaya
bakla ay 
rumarampa
sa mga lansangan 
kahit pagmamahal 
kahit dangal
ay pakikidigma 
bakla ay 
pag-asa
at pagnanasa 
sa isa’t isa bakla 
ay nais kitang 
makasama
makitang 
umuwi 
sa kabilang 
bahagi ng gabi 
doon totoo
ang mundo
doon totoong  
nabubuhay 
tayo sa mundo.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

Partes

Kandila ang mga tinagpas na ilong
Puto ang matang tinusok ng tinidor

Magdiriwang tayo sa kaarawan ng diktador

Sausage ang mga bitukang binuhol-buhol
Balloons ang mga ulong pinala’t pinalakol

Read More