Nais kong manangis kasama mo,
ilapag muna ang ngiti ko hindi para palitan ang iyo
kung hindi upang paliparin doon sa buwan
at masuklayan ka nito ng hiram na sinag,
kasama ng mga bituing umutang muna
ng ningning sa aking mga balintataw.
Isasangla ko muna ang indayog ng aking paa
(dalawa naman yata silang kaliwa) upang maging
yanig ng lupa at yayaing pumanaog ang iyong luha.
Ipapatangay ko ang tinig ng aking tawa,
hanggang maging alingawngaw riyan sa inyo,
at maging hiyaw ng iyong pagdurusa.
Ipapaanod ko ang aking mga ayuda, patak man o silahis,
hanggang sa ang tula ko ay tula na rin ng daigdig,
ang mga bahagdan ko ay hibla ng iyong kumot,
saplot mo sa iyong hubad na lungkot.
Magluksa ka at ‘wag mag-alala sa akin,
dahil umaawit pa ang puso ko, naghahanda
para sa kapistahan ng paghupa ng iyong bagyo,
ititira ko kasama ang tenga ko sa sandaling
nalimbag mo na ang kuwento ng dalamhati
at handa nang ipabasa para sabay tayong papalahaw.
Nais kong manangis kasama mo,
hanggang sa wala nang matira kung hindi tayo
dahil kung hindi tayo ay wala nang matitira.
Dahil ang wika ng pagdamay ay wika ng pag-ibig.
This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.