Categories
Poetry

Ang Mga Hindi Nakarating

Kinukulog ng makulimlim na langit
ang tambol ng sikmura, 
at sa ulol niyang paghiraya,
ang bawat dagundong ay katok
sa pinto ng puwedeng dulugan

habang nag-aabang sa ayudang tulad ni Godot,
tatawag siya sa misis na nahimpil sa siyudad.
Sinusubukang tumawid ng mga tinig sa selpon,
yaring mga kinurakot na kumustahan,
mga lata ng kuwentuhang napanis at nais ipainit,
mga sobra sa hinog nang paglalambing.

Subalit berdugong lambat itong trapiko ng signal.
Nilukot na papel ang boses ng pag-ibig.
Hanggang ang ligalig ng salop ng puso
ay nandayuhan sa mga likot ng binti.
Parang pagsunod sa aguhon 
itong paggalugad para sa malinaw na linya.

Subalit sa gitna ng mga ligaw na hakbang, 
walang hiling na nakauwi,
hindi ang ayuda o aruga ng sinta,
kundi ang singhal ng pulis
at ang balang itinanim sa sikmura.

Hinugasan ng ulan ang aspalto,
ang piping kuwento ng bangkay
na doble ang katay. 


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Kristoffer Aaron Tiña

Si Kristoffer Aaron G. Tiña ay nagtuturo ngayon sa City College of Calamba at kasalukuyang kumukuha ng MA Communication Arts sa UP Los Baños. Naging fellow din siya sa unang Amelia Lapeña-Bonifacio Writers’ Workshop patungkol sa kuwentong sapantaha. Bahagi rin
siya ng Sunday Writing Class na pinangangasiwaan ni G. Büm Tenorio Jr. ng Philippine Star. Nalathala na rin ang ilan niyang mga akda sa Youngblood, Philippine Star, Novice, at sa dalawang isyu ng online na antolohiya ng Kasingkasing Press ukol sa COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.