Poetry in Filipino

Ang Karamdaman ng Dagat

Tatakbo ang bata sa pampang,
            magtatampisaw,
sisisid sa isang dipang lalim
            at makikita
sa malabong salamin ng matanda
            ang tulya, lumot,
naglalarong maliliit na isda.
            Sasali ang bata sa tagu-taguan ng mga isda,
siya ang taya,
            hahanapin niya sila.
Sisisid muli ang bata, dalawang dipang lalim
            at makikita
sa malabong salamin ng matanda
            ang bahura, taklobo,
mas maraming naglalarong mga pawikan.
            Sasali ang bata sa tagu-taguan ng mga pawikan,
siya ang taya,
            hahanapin niya sila.
Sisisid muli ang bata, sampung dipang lalim
            at makikita
sa malabong salamin ng matanda
            ang pating, balyena,
dugong at pugita,
            naglalarong mga dambuhala.
Sasali ang bata sa tagu-taguan ng mga dambuhala,
            siya ang taya,
hahanapin niya sila.
            Sisisid muli ang bata, isang libong dipang lalim
at makikita
            sa malabong salamin ng matanda
ang lumubog na mga Vinta, ang binhing perlas ng huling Binukot,
            ang natutulog na Bakunawa.
Wala nang naglalarong mga isda o dambuhala.
            Hubad ang dagat sa malamig nitong alon sa ilalim,
dumadaluyong ang kawalan at kadiliman
            tinatangay ang diwa ng musmos sa siphayo ng pag-iisa.
Natagpuan ng bata ang sariling puso
            sa pusod ng dagat na puno ng lihim
at doon niya natiyak
            ang alamat ng lumubog na isla ng mga alaala.
Aahon ang bata sa kawan ng dagat,
            tulad ng paghila sa angkla,
tangan ang bigat ng puso sa nakita
            dahil sa naglahong mga kalaro
at doon niya madaratnan
            na duguan na ang matandang araw
sa kagat ng dapithapon.
            Tatakbo ang bata pauwi,
ang mga naiwang bakas ng paa
            dagling buburahin ng alon
at magiging ulyanin muli ang dalampasigan
            sa matapang na paslit na sumuong
sa puso nito.

Ang Hiniling Ko’y Umulan

Noon, ang mga ninuno nati?y nagdarasal
kay Bathala kapag mayroong matinding tagtuyot
o unos na gumagambala sa nayon;
kaya?t nag-alay sila nang mga awit at sayaw
sa buwan, mga puno?t araw upang masiguradong
maliligtas ang kanilang buong siyudad
laban sa mga sakuna.

Taos-puso silang nagtiwala
sa mga agam-agam at hindi nakikita ?
sa mga elemento?t haka-hakang
walang kasiguraduhan
ang kapayapaan.

Ngayon, patuloy kaming umaasa
na maisasalba pa ang mga pananim
at halaman naming pilit dinaraan
ng kung anong delubyong
hindi naman galing sa kalikasan.

Nagbibitak-bitak na ang aming balat
kasabay ng lupang sinasaka.
Ngayo?y tag-gutom sa aming lugar
na kung saan marapat yumabong
ang mga ani?t pananim,
na kami ang nagtanim, ngunit hindi makain
nang sariling mga bibig.

Kaya?t sinunod ko ang siste ng ating mga ninuno:
nagdasal ako kay bathala?t umawit ng kanta
ngunit ang ritmo ay pasigaw. Naghain ng mga sayaw
ngunit palusong ang mga paa.

Ang hiniling ko?y umulan
upang hindi na gamiting pandilig
ang aming mga luhang gabi-gabi na lamang iniigib ?
ngunit walang panginoong nakinig
sa amin pagtitiis.

Hanggang sa dumating ang panahon ng tag-ulan.
Kay tindi. Kay rahas. Kay saklap.
Ang hiniling ko?y hindi ganito:
ngunit nadiligan naman ang aming sakahan,
gamit hindi tubig, kundi ang sarili
kong dugo.

Gawat

May panahong kailangang iwan kita
habang ika’y aking hinihintay na mamukadkad
at handa nang anihin ang bunga
ng ating pag-iisa. 

Huwag ka sanang malungkot
kung sakaling ako’y lalayo,
kung sakaling ako’y kunin 
bilang manggagawa sa konstruksyon
o kargador sa bodega ng sigarilyo.

Huwag mo sanang isipin 
Na kaya kitang limutin
‘di mangyayari ‘yun!
Naka-ugnay kaya ang aking bituka
sa mga ginintuang butil sa ‘yong ulo.

Read More

Pantalon

Kapag sinusuong ko ang aking pantalon,
muli kong inaaral kung paanong 
humakbang: unahin ang kaliwa;
dahan-dahang kilalanin 
ang pagtaas-baba.

Binabalikan ko rito ang mga yabag
ng aking mga kalaro. Naririnig
ang kaluskos at paghila sa gusot ng tela 
ang mga bulung-bulungan
ng aking mga kababata,
tinatawag ang mga pangalan ng iba.

Madalas, dito ako humihinto:
namumulikat sa sikip.
Pinalalaya ako ng gaspang
ng mga hibla sa suot na damit.