Lumikha ng ubo ang singaw
Ng gabi. Nalasahan niya
Ang kamaong inereseta ng asawa
Sa kaniyang mukha.
Malansa ang hininga ng dugo
Sa ilalim ng ilong n’yang bali.
May bubog ng pinag-ipunang 
Salamin sa sahig, kaya tila
Kumikindat ang liwanag
Sa kaniyang mga sugat
Na dati na ring pinamahayan
Ng mga lumayas na gasgas.
Parang nilaro ng ipu-ipo
Ang buhok n’yang ‘di na maalagaan.
Pinipitas niya ang mga ngiping
Sumambulat sa lamesa, tila bulaklak
Ang pagsilat niya rito —minamasdan,
Saka ihahalik sa daliri. Ingat na ingat
Niyang sinasalansa sa palad
Ang bawat rosas ng kaniyang ngiti.

Hindi siya pinahihintulutang lumabas, 
May beerus pa, ani ng balasubas.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Ronel Osias

Si Ronel I. Osias ay nagtapos ng Batsilyer sa Edukasyong Pangsekundarya, Medyor sa Filipino sa ICCT Colleges, Cainta, Rizal. Miyembro ng Midnigt Collective. Awtor ng librong Danas, koleksiyon ng mga tula na nailimbag noong 2019. Naging fellow sa palihang Liyab: Spoken Word Poetry Workshop 2018 sa Unibersidad ng Pilipinas. Kontribyutor sa aklat ng Gantala Press na Talinghaga ng Lupa: Mga Tula noong 2019. Naging nominado bilang Best Poet 2019 ng programang Gawad Parangal sa Mundo ng Literatura ng Penmasters Administration. Fellow at itinanghal na isa sa apat na Pinakamahuhusay na Manunula sa SPEAKS-Up! Spoken Word Poetry Workshop 2020 ng PETA Lingap Sining at Words Anonymous.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.