Tiket

Lagi na lang naiiwan

Ang pilas mo sa upuan,

‘Di kaya naman nakadungaw ka 

Sa binta pagkatapos maging ebidensya.

Tangay-tangay ka ng panahon-

Sa pagmulat ng umaga

At pagkaagnas ng gabi.

Nakikilala mo ang bawat

Mukha ng paglalakbay,

    Pagbabasakali,

At panghihinayang.

Nadarama mo ang gaspang na 

Nanunuot sa palad ng mga pauwi

At pabalik. 

Matalik kang kaibigan 

Ng kanilang pag-idlip.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

Stay at Home

Lumikha ng ubo ang singaw
Ng gabi. Nalasahan niya
Ang kamaong inereseta ng asawa
Sa kaniyang mukha.
Malansa ang hininga ng dugo
Sa ilalim ng ilong n’yang bali.
May bubog ng pinag-ipunang 
Salamin sa sahig, kaya tila
Kumikindat ang liwanag
Sa kaniyang mga sugat
Na dati na ring pinamahayan
Ng mga lumayas na gasgas.
Parang nilaro ng ipu-ipo
Ang buhok n’yang ‘di na maalagaan.
Pinipitas niya ang mga ngiping
Sumambulat sa lamesa, tila bulaklak
Ang pagsilat niya rito —minamasdan,
Saka ihahalik sa daliri. Ingat na ingat
Niyang sinasalansa sa palad
Ang bawat rosas ng kaniyang ngiti.

Hindi siya pinahihintulutang lumabas, 
May beerus pa, ani ng balasubas.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.