Alam ko. Hindi ako nakakalimot.

Palaging binibilin sa akin ni Nanay, kapag lalabas ako sa kalsada mag-isa, wag daw ako tatanggap ng kendi sa kungsino mang di ko kilala. Pero, paano naman kaya yung mga batang tulad ko na di kailanman nakarinig ng kahit isang bilin? Paano kung tanggapin nila yung kendi?

Gabing gabi na. Hindi na raw maaga para sa mga paslit na gaya ko na pagala-gala pa sa labas ng bahay. Ngunit hindi na makatayo si Nanay sa paglalaba para sa iba buong araw.

Sabi ni Ate, habang sinusuot niya ang kaniyang masikip na uniporme, isang napakapula at napakaiksi na bestida, Bilhan mo na muna si Nanay ng gamot. May kinita ka naman kanina diyan sa mga sampaguita mo, di ba? Yan na muna ihulog mo kay Tita Beybi. Paalis na kasi si Ate mo patrabaho. Alam mo na yan.

Tumutunog na yung selpon niya habang siyay nagkakabit ng malalaking hikaw. Yun ang palatandaan kapag hinahanap na siya. Ganito si Ate bawat gabi. Alam ko. Hindi ako nakakalimot.

Lumabas ako na bitbit ang plastik ng yelo na may lamang barya at ilang tig-be-bente. Heto lang ang naipon kong bayad ngayong araw. Inikot ko na ng mas marami pa sa sampung beses ang simbahang malapit. Hanggang sa mawalan na ng laway ang dila ko, pinaulit-ulit ko ang pagsasabi ng, Bili na po kayo, sampaguita.

Marami ang hindi pumapansin. Pero minsan, may nabili rin. Kapag may tumingin, ilalapit ang mga sampaguitang hawak at sasabihin, Sige na po. Bente na lang po dalawa. Kailangan ko lang ulitin ng ulitin ang lahat. Matagal-tagal ko na rin tong nakabisado.

Malamig na ang hangin sa labas. Malayo na sa amin ang mga tunog na galing sa maraming mga sasakyan. Sa ganitong oras, doon na lang sila dumadaan malapit sa makalawang na riles ng tren.

Malapit lang naman ang bilihan. Hindi naman ako magagawi sa kabilang kalsada. Kabisado ko naman ang papunta. Alam ko. Hindi ako nakakalimot. Deretso lang ang lakad. Pitong bahay. Isang eskinita. Tindahan ni Tita Beybi. Kakatok. Sasabihin ko kapag iniabot ko na ang plastik, Tita Beybi! Heto po muna hulog ni Ate. Pa-utang po muna ulet si Nanay ng gamot. Bayad daw po, sa akinse!

May mga sinisigaw si Tita Beybi pagkatapos niya iabot sa akin ang mga gamot ni Nanay, Siguraduhin lang niyang pokpok mong kapatid na babayaran na niya yang mga utang niya! Kung hindi, ako na mismo tatahi diyan sa puke niya gamit ng mga bulbol niya!

Hindi ko lahat naiintindihan ang mga sinasabi ni Tita Beybi. Pero kapag naririnig ko ang mga salitang babayaran at utang, pwede na akong umuwi. Alam ko na yun. Hindi ko yun nakakalimutan.

Palaging tumabi sa kanang gilid. Maglakad sa bangketa, wag sa mismong kalye. Baka mabundol.

Alam ko na to. Hindi ako nakakalimot.

Ang nag-iisang ingay na malapit sa pandinig ko ay ang aking malalaking tsinelas na hiniram ko lang kay Nanay. Nakatambay sa labas ng mga kapitbahay ang mga pedicab na ginagamit ng mga Tatay nila sa umaga. Malapit na. Nakalimang bahay na.

Di ko na napigilan ang pagsikip ng dibdib nang may isang lalaki na lumakad sa harap ko. Nakangiti siya, pero hindi siya mukhang masaya. Yumuko siya, halos idinuldol na niya ang mukha sa akin, at binuksan ang kanyang palad. 

Isang kendi.

Ang magaganda at mababait na bata, sabi ng hindi ko kilalang lalaki. Ay dapat bigyan ng kendi. Marami pa akong kendi, alam mo ba yun Sasama ka lang sa akin. Bibigyan kita ng lahat na klaseng kendi na gugustuhin mo sa buong buhay mo. Masunurin na bata ka naman, di ba?

Hinigpitan ko ang hawak ko sa plastik ng yelo. Kumalansing ang mga barya sa loob.

Nakakapagsalita ka na ba? Tanong muli ng lalaki na hindi ko kilala. Usap tayo. Basta kunin mo tong kendi na hinanda ko talaga para sayo.

Humakbang ako ng paurong. May malakas na kumakalampag sa aking dibdib. Mahirap na mag-isip. Nakatikom ang aking bibig, at hindi ko mabuksan. Tinignan ko ang lalaki. Nawala na ang ngiti na meron sa labi niya nung nilapitan niya ako. Mukha na siyang naiinis.

Bata, sasama ka na sa akin, di ba? Maraming kendi sa pupuntahan natin, sabi niya. Umatras muli ako nang subukan niya ako hawakan, Halika na, ganda.

Sa lakas ng kabog ng dibdib ko, sa hapdi ng sikip ng lalamunan ko, ipinatong ko ang aking kamay sa kamay ng lalaki na hindi ko kakilala. 

Hindi kailanman sinabi ni Nanay sa akin to. Pero, alam ko. Hindi ako nakakalimot. Isang laro, kasama ng malalaking mga lalaki na mahihilig mamigay ng kendi.

Kaso, hindi magugustuhan ni Nanay ang laro. Dahil kailangan ko sumuway sa kanyang tanging bilin kapag akoy nasa labas, mag-isa.

Simple lang ang laro. Tuturo ko. Para alam mo rin. Para hindi mo rin makalimutan. 

Kukunin mo ang kendi. 

Hahawakan mo ang kanilang kamay. Mahigpit. Hihilahin mo ng konti. 

Kapag silay tumawa, o ngumiti, hahatakin mo sila. Pangako ko sa yo, matutuwa sila. May mga sasabihin sila. Gaya nitong lalaki na hindi ko kilala. Hawak ko ang kamay niyang namamawis, tumatawa siya gamit ng kanyang mababang boses. Sabi niya, Gusto mo rin naman palang makipaglaro. Saan mo na ako dadalhin, ha? Masarap akong kalaro.

Mas matutuwa pa siya kapag nakarating na kayo doon sa eskinita. Yung eskinita na pitong bahay ang layo mula sa amin. Malapit sa tindahan ni Tita Beybi. Kahit na kailangan kong bilhan si Nanay ng gamot, kailangang unahin to. Dahil kapag kinuha mo na ang kendi, kailangan mo na itong ibigay sa nagmamay-ari nito.

 

Tandaan mo, hindi tayo yun.

Marami pa silang sasabihin kapag nasa bukana na kayo ng eskinita. Madilim. Minsan maputik kapag kauulan lang. Dahan-dahan lang sa paglalakad. Mag-ingat. Tignan ang aapakan. Sigurado, susundan ka pa rin ng lalaki na hindi mo naman kakilala.

Nagsalita ang lalaki sa likod ko, Sino nagturo sa ‘yo nito, ganda? Puta rin ba yang Nanay mo? Gusto mo ba tong lollipop ko? Bibigay ko na sa ‘yo to. Handang handa na ko.

Wag mong papansinin ang mga salita nila, kahit hindi naman natin sila naiintindihan. Lakad ka lang hanggang sa makarating kayo sa dulo ng eskinita. May kanal doon. Mapapansin mo, maraming walang lamang balat ng kendi. Hayaan mo lang.

Bitawan mo na ang kamay ng lalaking hindi mo naman kakilala. Siguro magtatanong siya. Siguro susubukan ka niyang hawakan. Pero, sa pag-bitaw mo sa kanya, ihulog mo ang kendi sa butas ng kanal.

Dali. Pikit ka. Wag dapat malakas ang boses mo. Bulong lang. Bulong.

Alay po, mula sa isang puting bulaklak.

Ako yun. Ikaw yun. Tayo yun. Ang kanyang mga puting bulaklak.

Talikod ka kapag naamoy mo na ang mga sampaguita. Parating na siya. ‘Wag kang matatakot sa kanya. Mabait siya. Pangako niya, aalagaan niya tayong kanyang mumunting mga bulaklak. Basta ibibigay natin sa kanya ‘yung kendi, at dadalhin natin sa kanya kung sino ‘yung nag-abot ng kendi. 

Sabi niya kasi, gusto niya sila lahat makilala. Lalakas nang lalakas ‘yung amoy ng mga sampaguita. Mararamdaman mo na nandyan na siya kapag para kang binabalot ng amoy ng sampaguita. Para kang niyayakap ng napakahigpit. Mawawala ang lakas ng kabog ng dibdib mo. Mawawala ang mahapding sikip ng lalamunan mo.

Hinga ka ng malalim kapag nagsimula ng dumaing ang lalaking hindi mo naman kilala. Yung nag-abot sa ‘yo ng kendi na may kasama pang ngiti. Lalakas pa yung mga daing niya. Marami pang ibang tunog, pero wag mong iisipin kung ano ang nangyayari. Wag kang titingin.

Mabilis lang naman yan, makakabili pa nga ako ng gamot ni Nanay kina Tita Beybi. Basta, pikit ka lang, hanggang matapos siyang humiyaw, umiyak, tumili.

Ngayon, alam mo na. Wag na wag kang makakalimot, ah?

By Mitch Balladares

Mitch Balladares is a millennial fictionist. She writes modern and postmodern pieces that discuss not just what's real but also what can be real. Mitch graduated with a degree in Literature major in Creative Writing from De La Salle University. She was also a writing fellow in the Iyas La Salle National Writing Workshop in 2017.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.