Salaysay ng mga Hindi ko Sinali sa Opisyal na Ulat
Nakakatuwa tuwing nabubunot ang pinagsisikapan mong kutkutin, tulad ng langib o ligaw na buhok. May iba’t ibang baon na panganib ang motorsiklo, ngunit hindi mo mababalutan ng proteksyon ang buong katawan nang hindi pinapagpalit ang kaluwagan ng paggalaw. Kinailangan kong habaan ang una kong hiwa. Madulas ang bakal sa bakal kapag napapadulas ang dalawa ng mantika. Maraming gamit ang daliri ng tao. Malaman ang hita ng tao. Hindi nauunawaan minsan ang trahektorya ng bala. Hindi daw masakit pero hindi halata sa kanyang mukha. Halata ang agwat sa mga pangyayari sa mundo kung saan gumagalaw ang mga himala. Mas makunat ang balat sa likod kaysa sa harap. Para kang tumutumba ng baka tuwing nagbabalik ka ng natanggal na balakang. Hinabaan ko ang una kong hiwa dahil kulang ang haba upang magkasya ang bala na nakasipit. Mabisang pampawala ng sakit minsan ang panloloko. Mabisang proteksyon minsan ang taba. Hindi mabisa ang sipit humawak kapag hindi mabisa ang daliri na humahawak. Mas maganda sa aking inaasahan ang sugat nang sinara ko na muli ang balat.
This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.