Ayaw maniwala ng mga taga Sitio Toledo na manananggal ang pumutakti sa mga manok ni Mang Dawe.
Nagtaka syang walang tumitilaok sa bakuran nya samantalang pasado alas singko na kaya’t agad syang tumungo sa likod bahay. Tumambad sa kanya ang duguang ulo ng mga alaga. Wala lahat ng katawan.
Iba-iba ang naging reaksyon ng mga kapitbahay nya.
Hinala ng iba, adik ang responsable. Sabi ng kura paroko, magsabit daw sya ng mga eskapularyo sa bawat pinto dahil demonyo raw ang manananggal at tibay ng pananampalataya sa Diyos lang ang sasalba sa kanya. Bakit hindi na lang daw kasi itapon ang mga sobrang salamin sa bahay nya? Nag-aattract daw ito ng negative energy ayon sa Feng Shui at kamalasan lang daw ang nangyayari sa kanya, ika ng isa.
Ani ni Tolits, wala naman silang naulinigang kakaiba ng mga tropa nya, sa kabila ng gabi-gabi nilang pagtambay sa kalsada para maghanap ng signal sa data para makapag-Facebook at Mobile Legends. At tsaka, sino nga naman ang makakaligtas na engkanto sa lente ng phone cameras ng kabataan, sabat ng isang nanay.
Pinayuhan ng punong barangay si Mang Dawe na magsabit at magsaboy ng mga pantaboy sa manananggal, siniguro rin nyang mas magiging aktibo ang mga pinaroronda nyang tanod sa gabi.
Kinagabihan, nagsabit si Mang Dawe ng mga bawang. Sa pinto, sa bintana, sa tarangkahan, sa sampayan nya ng brip. Nagwisik din sya ng paminta at asin sa paligid.
Nang masiguradong tulog na ang komunidad, pumagaspas patungong bakod nila Mang Dawe ang manananggal, ngumiti at bumuntong hininga dahil sa wakas kompleto na ang sangkap sa Adobo nya.