Tatakbo ang bata sa pampang,
            magtatampisaw,
sisisid sa isang dipang lalim
            at makikita
sa malabong salamin ng matanda
            ang tulya, lumot,
naglalarong maliliit na isda.
            Sasali ang bata sa tagu-taguan ng mga isda,
siya ang taya,
            hahanapin niya sila.
Sisisid muli ang bata, dalawang dipang lalim
            at makikita
sa malabong salamin ng matanda
            ang bahura, taklobo,
mas maraming naglalarong mga pawikan.
            Sasali ang bata sa tagu-taguan ng mga pawikan,
siya ang taya,
            hahanapin niya sila.
Sisisid muli ang bata, sampung dipang lalim
            at makikita
sa malabong salamin ng matanda
            ang pating, balyena,
dugong at pugita,
            naglalarong mga dambuhala.
Sasali ang bata sa tagu-taguan ng mga dambuhala,
            siya ang taya,
hahanapin niya sila.
            Sisisid muli ang bata, isang libong dipang lalim
at makikita
            sa malabong salamin ng matanda
ang lumubog na mga Vinta, ang binhing perlas ng huling Binukot,
            ang natutulog na Bakunawa.
Wala nang naglalarong mga isda o dambuhala.
            Hubad ang dagat sa malamig nitong alon sa ilalim,
dumadaluyong ang kawalan at kadiliman
            tinatangay ang diwa ng musmos sa siphayo ng pag-iisa.
Natagpuan ng bata ang sariling puso
            sa pusod ng dagat na puno ng lihim
at doon niya natiyak
            ang alamat ng lumubog na isla ng mga alaala.
Aahon ang bata sa kawan ng dagat,
            tulad ng paghila sa angkla,
tangan ang bigat ng puso sa nakita
            dahil sa naglahong mga kalaro
at doon niya madaratnan
            na duguan na ang matandang araw
sa kagat ng dapithapon.
            Tatakbo ang bata pauwi,
ang mga naiwang bakas ng paa
            dagling buburahin ng alon
at magiging ulyanin muli ang dalampasigan
            sa matapang na paslit na sumuong
sa puso nito.

By Joshua Mari Lumbera

Si Joshua Mari B. Lumbera ay tubong Laguna, kasalukuyang nasa ikalawang taon ng kaniyang kolehiyo sa Pamantasan ng Cabuyao sa kursong BS Psychology. Siya ay kasapi ng Sunday Writing Class, isang pangkomunidad na samahan ng mga kabataang manunulat sa kanilang lugar na pinangungunahan ni Bum Tenorio ng Philippine Star.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.