Ang Huling Sayaw ni Sebyo
Ika-walo na ng umaga nang magising ako sa mga palakpak at halakhak ng mga drayber ng traysikel na naghuhuntahan sa labas. Kinusut-kusot ko ang aking mga mata . Napatingin ako sa kisame at naaninag ko ang mga butiking nag-akyat manaog dito at sa mga kantuhang haligi ng aking silid. Hinagilap ko ang aking salamin sa matang nakapatong sa munting mesa sa gilid ng aming kama. Pagkatapos ng saglit na pag-antada ay saka tumungo sa terasa ng aming bahay. Natanaw ko ang mga drayber . Animo’y nanonood ng isang palabas nina Dolphy at Panchito. Nasa harap nila si Sebyo, kumakandirit at tumitili habang sumasayaw. Libang na libang ang mga drayber sa kanyang pagsayaw. Siya naman ay labis ang pagkaaliw sa kanilang paglilibang.
Suot na naman ni Sebyo ang kremang salakot. Kapag pabirong inaalis ito ng sinuman sa Sityo Batong-Buhay,tila nahuhubaran si Sebyo. Patakbo siyang uupo saanman maibigan, ilalagay ang baba sa mga tuhod na nakatupi. Kasabay nito ay iniyuyuko niya ang ulo. At sa kahit anong palakpak at tawag, hindi siya tutugon. Hindi maipaliwanag ng sinuman, kahit ng mga matatanda sa sityo,kung anong taglay na kapangyarihan ng salakot niya. Kung bakit hindi mabuti ang dulot nito sa kanyang disposisyon.
Read More