Categories
Poetry

Daan

Iuuwi ka ng estranghero sa silid na pinalilibutan ng salamin pero walang bintana. Sa iyong mundo ito ang katumbas ng pagmamahal. Alam mong alam niyang kahit saan ka man tumingin, hindi ka nakatingin sa kaniya o sa inyong repleksyon. Kinakalas mo ang sinturon, ibinababa ang pantalon, brief, na parang pinipilas ang lahat ng pagpapanggap— isang silid ang katawan at wala ka nang ibang maibibigay. Papapasukin mo siya at papasok siya nang dahan-dahan na parang binabalikan ang tahanang matagal nang iniwan. Doon madadatnan niyang muli ang guho at ang nagkalat na bubog. Pupulutin niya ang mga ito titipunin saka iaabot sa iyo ang sugatang mga palad. Hindi kailanman masasaling ng salamin ang inyong pagkabasag.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Mirick Paala

Si Mirick Paala ay kasalukuyang mag-aaral ng MA Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Dati nang naging fellow si Mirick sa Ateneo National Writers’ Workshop, Luntiang Palihan, at UST National Writers’ Workshop. Lumabas na rin ang kaniyang mga akda sa mga sumusunod na publikasyon: Revolt Magazine, High Chair, Heights, transit online at Katipunan Journal.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.