Iuuwi ka ng estranghero sa silid na pinalilibutan ng salamin pero walang bintana. Sa iyong mundo ito ang katumbas ng pagmamahal. Alam mong alam niyang kahit saan ka man tumingin, hindi ka nakatingin sa kaniya o sa inyong repleksyon. Kinakalas mo ang sinturon, ibinababa ang pantalon, brief, na parang pinipilas ang lahat ng pagpapanggap— isang silid ang katawan at wala ka nang ibang maibibigay. Papapasukin mo siya at papasok siya nang dahan-dahan na parang binabalikan ang tahanang matagal nang iniwan. Doon madadatnan niyang muli ang guho at ang nagkalat na bubog. Pupulutin niya ang mga ito titipunin saka iaabot sa iyo ang sugatang mga palad. Hindi kailanman masasaling ng salamin ang inyong pagkabasag.
This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.