Mag-aalas sais na nang araw na yaon. Inagahan ni Atong ang pag-uwi mula sa pinapasukang trabaho na pagmamay-ari ng Intsik na nakapangasawa ng Tagalog. Nang marinig ni Burnok ang pitada ng kanilang traysikel sa labas ay dagli siyang gumayak, sinuot niya ang bagong biling damit na mula pa sa anim na buwan na ipon, t-shirt na halagang 80 piso’t may tatak ng Dragonball Z. Sa araw kasi na yao’y mayroong pangako ang kanyang ama, bibisita raw sila sa isang lugal kung saan mayroong matatangkad na manika na Arabo, may hawak ang mga ito na baston, nakabalanggot ang ulo, mahahaba ang kanilang balbal, may mga tupa at baka sa kanilang paligid, at parang nasa isang malaking kamalig silang lahat na naiilawan nang nakasabit na tala ang ibabaw ng kanilang dampa. At matamis-wagas-banal ang pangako ng ama, sa unang pagkakatao’y dadalhin niya ang anak sa palad ng uniberso,  maliligo sila kapwa sa ilalim ng mga tinuhog na tala at buntala kasama ang iba pang nilalang sa gabing yaon ng pagpapasinaya. 

Katatapos lang ng Ikalawang Digmaan nang palihim na ipinamalita ng kuryer na si Alejandrino ang isang maganda ngunit nakakatakot na balita. 

“Bukas ay nakatakdang bumababa ng bayan si Alipato. Magtatalumpati raw ang kilalang puno ng mga gerilya at sasanib daw sa nasabing pagtitipon ang mga magbubukid ng Jaen, Gapan, Talavera, at Zaragosa! May iaanunsiyo raw siyang tiyak ikatutuwa nating mga magbubukid!” 

“Abay mainam kung ganoon, sabihan mo rin ang ating mga kapanalig sa bayang ito, sasanib tayo sa magaganap na programa bukas!”

“Subalit kabilin-bilinan ng mga alagad ng supremo na maging maingat tayo, mayroon pa raw mga Makapili na naiwan ang mga Hapon, at sila ngayo’y pangunahing sumususo sa bulsa ni Magsaysay.”

Kumalat nga ang nasabing balita, walang singaw, walang amoy, maliban lamang sa anag-ag ng apoy ng pag-aasa na nananahan sa dibdid nilang mga magbubukid.  

Hindi nga nabigo ang mag-ama nang gabing yaon. Nasaksihan ni Burnok ang kumukutikutitap na mga bituin sa ibabaw ng lupa. Ang karamihan sa kanila’y animo’y mga alitaptap na nakadapo sa mga salasalabat na mga baging na sumaklob sa tabiki ng buong kapitolyo. Hindi rin nito pinatawad ang mga puno ng niyog sa paligid ng lumang gusali. Waring mga umiilaw na sawa ang nakapulupot paibaba-paitaas. May hugis apa pang pagkataas-taas na may higanteng bituin sa ibabaw nito na wari’y ipinutong na korona sa ulo ng mahal na birhen. Oo. Tama. Ulo nga ng mahal na birhen na dati nang nakita ni Burnok sa loob ng Basilika ni San Nikolas ng Tolentino. At ang sumasabog na silahis ng mga bituin ay sumasanib sa musmos na mata ni Burnok. Waring salamin ng daigdig ang kanyang mata. Habang si Atong nama’y inililihim sa anak ang tunay na nadarama, masayang-masaya siya dahil natupad niya ang pangako sa anak.

Naganap nga ang pagbaba sa bundok ni Alipato. Dumagsa nga ang mga magbubukid sa mga nasabing bayan na sa dami ng mga dumalo’y animo’y naging basang pinitak ang nagmamapuring lungsod. Kinubkob ng amoy putik at araw ang mga kubakob, subdibisyon, karinderya, at mga establisiyementong pag-aari ng iilang yayamanin. May dala-dala pa silang mga plakard na may mapanghimagsik na mga panawagan. Gayundin ang mga pulang bandila na animo’y layag ng mga barkong palutang-lutang habang nakikipagsagupa sa dagat na yari sa dugo at kamao. Sa ibabaw ng isang dyip, dumudupikal ang trompa ng mga matatalas-matatalim na mga pananalita, awitin, dalit, at tula. Oo, maganda at perpekto nga itong panorama para sa mga magbubukid. May ilan sa kanila’y kasama pa ang mga alagang kalabaw na may hila-hilang kariton. Naglalaman ito ng mga pagkaing binalot sa dahon ng gabi at saging. At parang kakampi nila ang mata ng araw at bagwis ng amihan. Dumating ang tanghaling tapat, itinaas ni Alipato ang kanyang kaliwang kamao at sa hindi maipaliwanag na dahilan, ang mga kangina’y ususero’y sumanib sa malaking bola ng apoy. Lalong lumaki’t nag-alab ang bola ng apoy. Tatalsik-talsik pa ang mga anag-ag nito na waring sa bagong putok na balon. “Ahhh…paghuhukom na ba ito?” tanong ng marami. “Unang bahagi ng paghuhukom,” sagot ng sorbetero. “Nagising na ang higante sa malayong Silangan,” pagsusuma ng kangina’y tumula sa ibabaw ng dyip. At bago nga humimlay ang nag-aapoy na araw sa Silanga’y umaalingawngaw sa papawirin ang pagpapabagsak sa Piyudalismo at Imperyalismo!

Inabot nang isang oras ang mag-ama sa paglilibot sa ilalim ng mga tanawing nababalutan ng mga tinuhog na bituin at buntala. Sukol hanggang langit ang kagalakan ni Burnok habang hawak-hawak ng kanyang kanang kamay ang cotton candy. Habang ang kanyang amang si Atong nama’y walang ibang kumikiwal sa kanyang salamisim kundi ang mga hibla ng nakaraan habang sa kanyang puso’y walang pagtatanggi niyang ipinaubaya ang lahat sa ligaya ng anak. Tahimik-masayang umuwi ang mag-ama sa sinapupunan ng gabi.

“Atong! Atong! Dalhin mo nga ito sa iyong Ingkong. Malamang uhaw na uhaw na iyon matapos ibulalas sa madla ang mga dakilang layunin ng mga magbubukid na nais maging timawa!”

Malapit na nga ang kaarawan ng mesiya. Sabay nahiga ang mag-ama sa banig na nakalatag sa sahig. At bago pa man patayin ni Atong ang apoy ng gasera’y walang ibang baon si Burnok sa kanyang panaginip kundi ang imahen ng pulang gumamela sa nakasingit sa tainga ng Inang Maria.

Nobyembre 29, 2019
Lungsod Cabanatuan, Nueva Ecija   


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Rene Boy Abiva

Si Rene Boy Abiva o RBA ay dating bilanggong politikal. Nagsusulat siya ng tula at maikling kuwento sa wikang Iloko at Filipino. Siya ang awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula (Pantas Publishing, Lungsod Quezon, 2018) at naging kontribyutor sa Hulagpos: Kalipunan ng mga tula ng mga Bilanggong Politikal (Selda, Lungsod Quezon, 2016) at AKDA Volume 5 (Kamandag, Lungsod Quezon, 2019). Isa siya sa mga patnugot ng Pandayan ng Paninindigan: Pagbisita at iba pang mga tula ni Ben Concio Quilloy (ASCENT, Lungsod Quezon, 2019). Nalathala na ang kanyang mga tula, digital at printed, sa Liwayway Magazine, Bannawag Magazine, Philippine Collegian ng University of the Philippines- Diliman, Pinoy Weekly, Bulatlat.com, Northern Dispatch Weekly, Manila Today, Kodao.org, PinoyReporter.com at marami pang iba. Fellow siya ng 11 th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento) ng Unibersidad ng Pilipinas- Diliman, 6 th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula) ng Unibersidad ng Pilipinas- Baguio, 9 th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw) ng GUMIL o Gunglo Dagiti Mannurat Ti Iloko at Mariano Marcos State University at 58 th University of the Philippines National Writers Workshop (Tula). Siya ay miyembro ng Kilometer (KM) 64 Writers Collective at Concerned Artists of the Philippines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.