Elehiya sa Talisain

Gumuguhit sa pisngi ng tari ang mga plumahe mong nagaagaw sa abo’t dilaw. Giyagis ang iyong tuka: Tututok sa itay, tuturo sa langit, lilingon sa akin, bago tuluyang bumaling sa nakataob nang dulang — paulit-ulit lang itong galaw sa saliw ng tilaok na imbes umaga’y nagbabadyang katapusan ang sinasalubong.  Sa higpit ng aking kunyapit dama ko ang tulin ng tibok ng…

Gumuguhit sa pisngi ng tari ang mga plumahe 
mong nagaagaw sa abo’t dilaw. Giyagis ang iyong tuka: 
Tututok sa itay, tuturo sa langit, lilingon sa akin, 
bago tuluyang bumaling sa nakataob nang dulang — 
paulit-ulit lang itong galaw sa saliw ng tilaok na imbes 
umaga’y nagbabadyang katapusan ang sinasalubong. 

Sa higpit ng aking kunyapit dama ko ang tulin 
ng tibok ng iyong dibdib, pagpintig na tulad 
noong ganito ring nakapiit ka sa aking mga daliri habang 
itinatali ang tari sa iyong tahid — di igigilit sa iyong leeg. 
Sa nagsagupa, ikaw ang pinagpala ng Kristo noon. 
Ang hinango, pinailanlang ng sentenciador mula
sa naghalong alabok at dugo, ang inilabas
sa rueda na hindi bumagtas sa landas ng baga’t apoy.

Ngunit ngayong bawal mga pintakasi’t walang soltada,
ganadores ma’y walang logrong makakahig, matutuka.
Walang pangako sa pagaspas ng iyong pakpak o sa tulis
ng iyong tahid. At dahil walang nangangailang magising
nang maaga, ganoon din ang iyong tilaok. 
Nasigaan na ang kalan, naisalang na ang kaserola kaya 
narito tayo. Sana maunawa mo. Gutom man ay katuwiran din
ngayon na walang Kristo.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *