Categories
Poetry

Elehiya sa Talisain

Gumuguhit sa pisngi ng tari ang mga plumahe 
mong nagaagaw sa abo’t dilaw. Giyagis ang iyong tuka: 
Tututok sa itay, tuturo sa langit, lilingon sa akin, 
bago tuluyang bumaling sa nakataob nang dulang — 
paulit-ulit lang itong galaw sa saliw ng tilaok na imbes 
umaga’y nagbabadyang katapusan ang sinasalubong. 

Sa higpit ng aking kunyapit dama ko ang tulin 
ng tibok ng iyong dibdib, pagpintig na tulad 
noong ganito ring nakapiit ka sa aking mga daliri habang 
itinatali ang tari sa iyong tahid — di igigilit sa iyong leeg. 
Sa nagsagupa, ikaw ang pinagpala ng Kristo noon. 
Ang hinango, pinailanlang ng sentenciador mula
sa naghalong alabok at dugo, ang inilabas
sa rueda na hindi bumagtas sa landas ng baga’t apoy.