Halos murahin si Eba ng tindera ng kamatis. Muntik na kasing magkandahulog ang mga paninda ng ale nang matabig nya ang bilao dahil sa barubal nyang paglalakad. Walang pake si Eba dahil galit siya.
Tinabig niya palayo ang pulubing dalawang beses kumalabit sa kanya habang nakapila
sa hintayan ng jeep. Pinagtinginan sya ng mga tao. Muli, wala siyang pake dahil galit siya.
Eh paano ba naman, nakita ulit ni Eba matapos nang sampung taon ang lalaking ilang beses na humalay sa kanya. Hindi sila nagkausap ni nagkatinginan. Nakatalikod ang lalaki nang makita ni Eba. Pero alam niyang siya iyon.
Hindi siya maaaring magkamali dahil mula sa mga yabag ng lalaki sa tuwing aakyatin siya nito sa kwarto hanggang sa anino nito pag binobosohan siya sa pagligo, kabisado niya.
Yon ang hubog ng lalaking ilang taon at ilang ulit na tumarantado sa kanya. Paano niya iyon makakalimutan?
“Fuck you! Sasabihin mo sa akin maglalaro tayo? Pero ilang minuto, iba na nilalaro mo? Rot in hell, tarantado ka! sa isip niya.
Buong lakas na ibinagsak ni Eba pasara ang pinto nila nang makauwi ng bahay. Napatalon sa gulat ang mama niya.? Anak, mainit na naman ang ulo mo, traffic ba? Kumain ka na muna.?
“Wala kong gana.” ika ni Eba
“Ano bang problema?” tanong ng mama niya.
“Nakita ko kanina sa palengke si papa.”