Bagaman madalas nang mabanggit ang terminong ito sa kontemporaneong mga espasyo, matutulos ang “representation” bilang isang pampulitikang kilos mula pa sa panahon ni Aristotle. Kung ang representasyon noo’y mas nakaakma sa panggagagad (mimesis) ng unibersal na kaisipan sa partikular na danas, may kakatwang paggamit ito sa sosyo-politikal na diskurso sa panahon ngayon: ginagamit ang salitang ito upang bigyan ng “espasyo” ang mga marhinalisadong bahagi ng lipunan sa pag-asang makalilikha sila ng pagbabago para sa kanilang sektor, tulad na lamang ng mga kababaihan, ibang lahi, at mga LGBTQ+, mula sa media hanggang sa mga sityo ng kapangyarihan.
Maaari itong maging isang patibong, gayunpaman, na kinahuhulugan madalas maging ng mga institusyong naglalayong maging progresibo. Manipestasyon ito ng malalang panghihimasok ng neoliberal at kapitalistang sistema sa aktibismo ng marhinalisado, na sa kasong ito’y itutuon ko partikular na sa mga ipinaglalaban ng LGBTQ+. Sa harap ng globalisasyon ng kapitalismo, tinitingnan pa rin ng mga naghaharing-uri ang LGBTQ+ bilang merkado at/o lakas-paggawa lamang. Ang pagiging “visible” ng mga LGBTQ+ ay bilang mga “‘target groups’, ‘recipients’ at ‘beneficiaries’” ng mga programa’t tulong pangkaunlaran.1 At sa pamamagitan ng paglikha ng mga “espasyo” upang makilahok ang LGBTQ+ sa pandaigdigang merkado—mula sa pagkakaroon ng “inclusive” na pook-trabahuhan hanggang sa, hayun nga, representasyon nila sa media—tila baga nabibigyan ng boses ang mga LGBTQ+ na napakatagal nang iniaalis sa kanila. Ngunit isa lamang itong ilusyon, pakonsuwelo-de-bobo ngayong nakikita na ng burukrata-kapitalista ang grupo bilang asset at hindi (na) liability. Samantala sa ibang dako ng mundo kung saan nananaig pa rin ang konserbatibong anti-LGBTQ+ na pananaw, iginigiit ng “homocapitalism” ang kanilang lohika sa pamamagitan ng panggigipit sa kanila sa ilalim ng nosyon na ang pagpigil sa mga LGBTQ+ na makilahok sa paggawa ay nakasasakit sa ekonomiya.2 Ang anggulo pa rin, kumbaga, ay na kapaki-pakinabang lamang ang LGBTQ+ kung nakikilahok ito sa kapitalismo.
Kung hindi man ganito, mapanlinlang ang balimbing na paninindigan ng mga institusyon ukol sa mga adhikain ng LGBTQ+, at mahihiwatigan ito sa kanilang pandarahas sa wika. Nabanggit na ang paggamit ng “corporate buzzwords” (representation, spaces, inclusivity, atbp.) upang mahimasukan ang nabanggit na sektor para sa maka-kapital na hangarin. Ngunit nariyan rin ang pandarahas sa mga simbolo: ang paggamit ng bahaghari sa mga produktong may layunin lamang na makahakot ng kapital. May mga meme na kumakalat na tumutuligsa dito, sa kung paanong babaguhin ng mga korporasyon ang kanilang logo sa mala-bahagharing kulay tuwing Pride Month, para lamang palitan ito pagkatapos mawala na ito sa panahon. Ngunit nakababahala rin kung paanong sa ilang mga bansang konserbatibo, hindi binabago ng mga korporasyon ang kanilang logo.3 Sintomas ito ng mas malalang problema: na naiwiwika lamang ang LGBTQ+ kung pasok sila sa kahulugang maka-ganansya, kung maisasalin ang kanilang danas sa wika ng kíta.
Walang masama sa pagkakaroon ng representasyon per se lalo na sa mga LGBTQ+ na naghahanap ng “espasyo” kung saan maaari nilang maitanghal ang kanilang “queerness”.
Hindi ba’t ang mismo ring presensya ng isang “queer issue” ng isang diyornal tulad ng Katitikan ay isang akto rin ng representasyon ng pagbibigay-espasyo para sa mga kuwento’t danas na “queer”? Ang aking argumento, sa gayon, ay na hindi sapat lang na makuntento ang mga sektor sa espasyong inilikha ng mga institusyong siya ring nandahas sa komunidad noong hindi pa pasok sa kanilang “bokabularyo” ng maka-ganansyang pagkaproduktibo. Na ang hamon ngayon ay patuloy na gawing masalimuot ang danas ng LGBTQ+ na kumakawala sa komportableng kategoriyang inililikha ng imperyalista, pyudal, at burukrata-kapitalistang sistema, at maaaring maging lunan ng pakikibaka ang wika.
Sa ganitong layunin ko din nais bigyang-salimuot ang misyong ito ng Katitikan, sa pangkalahatan at partikular na sa isyu na ito. Bilang diyornal na nagbibigay-tinig sa mga manunulat sa Katimugan, mahalaga ang posisyon ng panitikang pambansa sa lugar nito sa pandaigdigang produksyong pampanitikan (tinatanaw tayo bilang “global South”), at sa gayon ay may mga baklang danas na nasa laylayan ng kanluraning danas (na maaaring kinokolonisa din ng homocapitalism). Bagkus, may “queerness” din na nakapaloob sa misyon ng Katitikan, na aming patuloy na sinisiyasat sa bawat akdang aming pinipiling ilabas (dahil hindi ba ang akda’y nakikipagtalastasan din sa espasyong kaniyang kinalabasan? Marahil sa mas mahabang usapan na ito.)
Sa panawagan naman namin mismo sa isyu na ito, nanghingi kami ng mga akda “na naglalayong galugarin ang ‘queerness’ bilang daan sa pansariling pagkatuklas at paghubog, at sa pakikipagtalastasan sa identidad.” Mahalaga sa ganitong pakikipagsapalaran ng/sa “queerness” ang pakikipagtunggali nito sa mga institusyon (kasama na ang wika) kung saan binibigyang-hugis ng tao ang kaniyang identidad at sabay itong itinatatwa. Itong “dulas” na ito ang siyang nasa ubod ng salitang Ingles na “queer”: kakatwa mula sa normal. Nais kong ihain ang “bakla” hindi lang basta para itumbas o “isalin” ang salitang ito sa Filipino, kundi upang kilalanin ang kakaibang lokal na danas natin dito.4
Sa Vocabulario de la lengua tagala, binigyang-kahulugan ang “bakla” bilang mga sumusunod:
- mang-akit, manlinlang sa pamamagitan ng kabantugan o kagandahan
- pagbabago, takot sa isang bagay na hindi kilala
- kumilos dahil sa isang interes o pakinabang
- masaktan dahil sa pagkamot, ang nasaktan5
Nasapul, sa tingin ko, ng artikulasyon ni Jacobo ang nuances ng bakla ayon sa mga kahulugan nito: na nagbabago (“nababakla”) ang bakla sa kabila ng takot sa kaniya, at dahil sa kapasidad nitong mang-akit, manlinlang, pumukaw, at manligalig.6 Siya ang sityo ng pagkabakla, at alinsabay dito, bumubukal sa kaniya ang pambabakla. Mahalaga sa gayon na di lang makita ang “kabaklaan” bilang isang identidad o isang istatikong pangalan, kundi bilang isang pagkilos, aktibidades, aktibismo, at sa gayo’y hindi istatiko.
Sa isyung ito makikita natin ang hindi man perpekto ngunit mga panitikang naglalayong “baklain” ang danas ng pagiging LGBTQ+. Prominente ang tema ng pagsasayaw bilang ahente ng pang-aakit, tulad sa mga tula ni KC Inventor at Mai Santillan. Samantala, tila baga may takot na pumipigil kay Badet upang mapangalanan ang katauhan ni Nessa sa dula ni Andyleen
Feje, na puno ng mga katahimika’t eupemismo sa nakababaklang kabaklaan ng tauhan. Nananaig din ang temang erotiko kung saan ginagamit ng bakla ang kaniyang sekswalidad sa isang kapaki-pakinabang na paraan, tulad sa kuwento ni Shinnen Cahindig at ni John Lloyd Sabagala. Nariyan din ang hinagpis na kaakibat ng buhay-bakla sa dula’t kuwento ni Eljay Castro Deldoc at ni Jamil Figuracion.
Ngunit sa mas malalim na suri ng mga akda sa isyung ito, tulad ng ating suposisyon, ang pagkabakla ay pakikipagtagisan din sa kaniyang danas sa wika.
Sa isang banda, nariyan ang pakikipagtuos ng mga may-akda sa nananaig na panitikan (mula sa Bibliya hanggang sa kontemporaneong mga musika’t pelikula), at kung paano nila binabali at kinukuwestiyon ang mga proyekto nila (na madalas ay kontra-LGBTQ+). Ngunit sa kabilang banda, may literal ding diskurso ang mga akda ukol sa wikang bumabakla sa kanila, at sa gayon ay binibigyang-dulas ang “bakla” bilang wika na hindi lamang maikukulong sa mga nailikha nang kategoriya. May tapang sa deklarasyong “hindi ako tunay, / hindi ako huwad… / Babae, ako!” ni Lenard Diaz na bumabanat sa nosyon ng pagkababae. Gayundin, nakikipagtalastasan ang pag-akò ng isang akó sa kabaklaan sa tula ni Leo Baltar sa paglalaro ng pamagat sa homophonic na mga salitang ito. May pag-angkin at pagyakap namang nagaganap sa terminong noo’y itinatakwil—bayot—na litaw sa kuwento’t sanaysay ni Gilford Doquila. Samantala, may mahalagang pagninilay si Raya Martinez ukol sa wikang dayuhan sa kaniya, at kung paano ito sumasalabid sa kaniyang danas bilang bakla. Sa ilang mga akda, nauuwi sa kawalan ng wika ang engkuwentro sa kabaklaan, tulad sa kuwento ni John Rey Dave Aquino; kung minsan nama’y tahasang pagwawaksi sa pangangahon ng wika ang resolusyon, tulad ng tula ni Daryl Pasion.
Nais kong tuonan ng pansin ang nabanggit na tula ni Pasion, “Hanggang sa ang Verbo ay Magkatawang-Tao”, na sa tingin ko’y kumakatawan sa argumentong inilalatag ko. Sa unang basa, lantaran ang panghihiram at pagbakla ng tula sa biblikal na naratibo. Sa una, may paglalayong isawika “ang daigdig na hindi isinawika”—ang baklang danas, na nanghihinging mabigyan ng pangalan, ng representasyon. Kinikilala ng tula na ang danas niya’y tigib sa kontradiksyon—“si Eba ay / hindi na si Eba / at si Adan / ay hindi na si Adan”, na mas tumatatag ang kabaklaan dahil sa pagbubura nito sa kategoryang nakalaan sa kanya. At kung sa una’y tila nanghihingi ito ng pagkilala mula sa kaniyang diyos, sa dulo’y hinugot niya ang sarili sa tadiyang. Ang tadiyang, bilang isang likha ng nakatataas sa kaniya, ay binabakla niya, at mula roon ay siya ang nagiging manlilikha. Hindi ito pagbaliktad ng nakasanayang naratibo, kundi animo’y sintesis ng maykapal at kinapal, ng maiwiwika’t hindi maiwika, ng pag-iral at pagkawala, na siyang nasa ubod ng baklang danas, at nasa ubod din ng pinakamahuhusay na panitikan.
At napakahalagang baunin itong kislap-diwang ito ng komunidad ng LGBTQ+ sa kanilang pakikibaka sa mapang-aping institusyon at pagbalikwas mula sa pagpapakahulugan nito sa kanila. Sa pakikipagtalastasan ng LGBTQ+ sa sarili nitong kahulugan (kahuhulugan) sa lipunan, habang hindi nabubuwag ang patriyarkal at kapitalistikong estruktura, palaging nasa diskurso ang “kabaklaan” bilang parehong tinatanggap at binubura, binibigyang-tinig at pinatatahimik, binibigkas at hindi. May halaga ang pagdiriwang sa tuwing iwiniwika ang bakla, ngunit kailangan ding kilalanin ang kapasidad ng bakla na baklain ang wikang nagpapangalan sa kaniya. Alinsabay sa pagwiwika ng bakla sa kaniyang sarili ay ang pagbabakla nito sa wikang nagpapangalan sa kaniya. Sa ganitong “espasyo” ng kawalang-espasyo ng wikang-bakla nakakaaklas ang bakla sa patibong ng representasyon.
22 Hunyo 2021
Lungsod ng Antipolo
1 Burchiellaro, Olympia. “(Re)thinking homocapitalism: LGBT rights, corporate power and hierarchy” http://web.isanet.org/Web/Conferences/ISA2021/Archive/
e1e5ed27-14e2-4928-96b8-cc31ab3e2b33.pdf, p. 3-4
2 Ibid, p. 5
3 “What Happened With Bethesda Supporting Pride” https://goosed.ie/bethesda-pride-flag- russia/
4 Kinikilala kong marami pang wika sa Filipinas na maaaring sumaklaw sa danas ng LGBTQ+, ngunit bilang Tagalog ay gagamitin ko kung alin ang aking kinalakhan.
5 Vocabulario de la lengua tagala, s.v. “bacla”
6 Jacobo, Jaya. “The bakla, the agi: our genders which are not one” https:// revistaperiferias.org/en/materia/the-bakla-the-agi-our-genders-which-are-not-one/
This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.