Ritwal at Dalangin ng Hamog
Habang isinisilang ang araw
Sa silangan, bubuksan ng hamog
Ang mga mata at pahihigpitin
Ng lamig ang bisig na nalanta
Dahil sa kahapong dumaan.
Labimpitong buntonghininga
Ang bibitawan sa malapad
Na mga dibdib saka lamang
Sisimulan ang paghakbang
Sa kayumanggi at matabang lupa.
Malulubog sa kapit ng putik
Ang mga paang binaluktot
Na parang mga kawayan.
Ihahagis ang mga butil sabay hihip
At dalangin mula sa sikmurang
Kumakalam at nangangasim.
Ubo, pawis, at hikahos sa lilim
Ng sikat ng araw ang papatnubay
Sa bawat hakbang ng ritwal
Na isasagawa sa pupunlaan.
Maraming buwan ang hihintayin.
Mga butil ng ulan ang nais
Pumatak sa kakarampot na pangarap.
Ibubuga sa daraang hangin
Ang hininga mula sa dibdib.
Magiging tubig sa palay ang pawis
Na malalaglag mula sa mga bisig.
Pagsapit ng ikasiyam na buwan,
Aanihin na ang gintong lupain,
Ay, natupad nga ang paulit-paulit
Na pagbabantay at paghihintay
Sa inusarang hikahos ng mga dalangin.
Ay, salamat sa Poong ibinigay ang araw
upang patnubayan ang paglalayag.