Tondo 1

“Nay pwede na lumabas?!” Napabalikwas sa higaan si Jeng-jeng nang makarinig ng mga naghuhuntahan at naglalarong bata.

“Oo, ikaw na lumabas para bumili ng ulam at marami pa kong isasampay. Yung kapatid mo papasukin mo na rin dito!” 

Agarang tumayo si Jeng-jeng at kinuha ang barya mula sa ina.

Ang nakahubong kapatid nyang si Buyboy ay nakatanghod sa inilalabas na piso net. Ilang kalaro ang sinitsitan at sinenyasan ng “mamaya” ni Jeng-jeng.

Napuno ng mga nagtsitsismisang kapitbahay ang eskinita. Wala nang mga tanod at pulis. 

“Aling Loida pagbilan!” Inabot nya ang limang piso kapalit ng nakaplastik na Ma’am Inasal at Sizzling Bangus. 

Pinagpalit-palit ni Jeng-jeng ang itinaling plastik sa dalawang kamay habang pauwi. Mistulang dinidribol ang tsitsiryang pananghalian nila.#

Walang magugutom

Itiniwangwang ni Jomar ang ulo at tinik ng galunggong sa sahig. Hinayaan nyang pulutanin ng mga daga ang mumo ng pananghalian nya. Bubusugin nya ang maitim-itim at mabalahibong hapunan nya.#

Online seller

Ina-update ng mananambal ang imbentaryo nya sa Facebook marketplace.  

Buntot ng pagi (12), nito vine (10), talisman (7), mutya ng tubig (3), kahoy sinukuan (1), bato omo (sold out). Note: First 10 customers will get free bottle of siok tong.

Bago mag-log out, isang message request ang natanggap nya.

“Pwede po mag-resell? Payment and shipping deets po. Thank you.”

Si Gabriela Baron ay tubong Binangonan, Rizal. Nagtapos sya ng Journalism sa Centro Escolar University at kumuha ng Sertipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Polytechnic University of the Philippines. Naging fellow sya sa Palihang Rogelio Sicat at Angono Summer Writers Workshop. Ang ilan sa kanyang mga dagli ay nailathala sa Quickie: Drive-in Stories (2018) ng Atsara Collective at Katitikan. Mababasa ang kanyang mga balita sa Internet at sa dyaryo.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Gabriela Baron

Si Gabriela Baron ay nagtapos ng Journalism at kumuha ng maikling kurso sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino. Kasalukuyang nagsusulat sya Manila Bulletin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.