Tagpuan: Sa loob ng isang public high school sa Cabanatuan City, 2019
Mga karakter:
BADET, 15, maitim, mapayat, malakas ang boses, magaslaw, may katangkaran at mahaba ang rebonded na buhok (na animo’y dinilaan ng baka)
NESSA, 16, hukot, maliit, maigsi ang buhok na kahawig ni Vilma Santos
(Nahahati ang entablado sa dalawang bahagi. Sa kanan ay ang hallway ng public high school, at sa kaliwa nama’y naroon ang CR na pambabae na may tatlong cubicles na punong-puno ng vandal ang loob at labas ng mga pinto pati na ang pader—may mga eksaheradong drawings ng tite, puke, may suso, may nakasulat na wanted textmate at kung anu-ano pa gamit ang marker at nail polish.)
(Nagmamadaling papasok ang dalawang magkaibigang naka-high school uniform, checkered na green na palda at puting blouse na may malalaking round collar, sa stage. Makikitang halos kaladkarin na ni Badet ang kaibigan.)
(Pagdating sa gitna ng entablado ay hihigitin ni Nessa ang kamay ng kaibigan.)
NESSA: Besh, wait lang.
BADET: Oh, bakit? Akala ko ba naiihi ka na?
NESSA: Ano kasi…
BADET: Ano?!
NESSA: Baka kasi, ano, maraming tao.
(Papamewang si Badet.)
BADET: Ay, wow. Nasa public high school tayo, Besh, na may 30-40 na estudyante kada section! Tapos may limang section mula grade 7 hanggang grade 12. Tapos may tig-dalawang CR lang sa magkabilang floor ng building ng school. And lunch break ngayon! Malamang maraming tao!
(Yuyuko nang bahagya si Nessa.)
NESSA: Eh, hintayin na lang nating matapos ang recess.
BADET: Gaga, gusto mo bang masaraduhan ng pinto ni Ma’am Katuray?! Alam mo naman ‘yong high blood na matandang ‘yon, ma-late lang nang kaunti akala mo nagbubulakbol na.
(Hihilahin ulit ni Badet si Nessa.)
BADET: Tara na, ‘wag nang nagmamaganda!
NESSA: Saglit lang kasi.
BADET: Ano naman kasi kung maraming tao? Pare-parehas lang naman tayong estudyante ditto, Besh!
NESSA: Kasi naman, eh! Kasalanan mo ‘to, eh! Pinaubos-ubos mo kasi ‘yong softdrinks mo kanina. Alam mo naman kasing nasa lahi naming ang mababa ang pantog.
BADET: Ay, wow. Bakit kaninang iniinom mo yung tira kong softdrinks ‘di mo ‘yan naisip? ‘Di mo nga naisip na puro laway ko ‘yon ‘di ba? Sherep, Besh? Sherep?
NESSA: Hogeng!
BADET: Naalala mo no’ng field trip natin tapos nagising ako ‘kala ko kung napapano ka na kasi kung sino-sinong tinatawag mong santo! Hanep, Besh! Tawang-tawa talaga ako doon! Buti na lang umabot ka sa gasoline station. Ayaw pa magsabi sa driver, eh!
NESSA: Kasi naman. Kita mo naman pag-akyat ko ng bus pinagtitinginan ako ng mga kaklase natin na parang may masama akong ginawa.
(Matatawa si Badet.)
BADET: Sorry, Besh, pero ang tagal mo kasi no’n, akala nga naming nagtira ka na sa loob ng CR ng gasoline station!
NESSA: Gago! Anong magagawa ko, eh, sa naipon nga.
(Mangingiti si Nessa.)
NESSA: Ang kulit mo kasi, pabalik-balik tayo do’n sa may free taste na kape.
(Matatawa si Badet.)
BADET: Wow, parang ‘di ka nag-enjoy kakainom, Besh, ah!
NESSA: Ang sarap kasi, eh.
BADET: See, Besh. Ginusto mo, eh, ginusto mo, eh! Kaya mag-suffer ka! Char.
(Iirap lang si Nessa.)
BADET: Irap-irap ka pa d’yan, ah. Sige ‘pag ikaw nagtawag sa classroom mamaya ng mga santo, sinasabi ko na talaga, Besh.
NESSA: Kasi naman, eh.
BADET: Anong kasi naman? Tara na nga!
NESSA: Ano kasi… Eh, baka mahaba ‘yong pila.
(Titignan saglit ni Badet si Nessa. Pagkatapos ay palalalimin at palalakihin n’ya ang boses at bahagyang itataas ang balikat at paminsa’y hahawakan ang ilong gamit ang kanang hinlalaki.)
BADET: Gusto mo, p’re, do’n na lang tayo umihi sa CR ng mga lalaki? Tutal, ‘di naman tayo talo-talo, eh.
NESSA: Gago. Ayoko nga do’n! Mapanghi saka puro upos ng yosi ang loob ng cubicle.
BADET: Owss? Eh, ba’t mo alam?
NESSA: Kasi ano.
BADET: Ano? Aha! ‘Wag mong sabihing nagbago na ang trip at hindi na nagkakati ang dila mo sa talong?
NESSA: Gago! Puro ka kalokohan. Basta ayoko do’n.
BADET: Haay, nako. Sige gan’to na lang, Besh.
(Ituturo ni Badet, gamit ang nguso, ang bulsa ng kaibigan.)
NESSA: Anong?
(Gagayahin ni Nessa ang pagnguso ng kaibigan.)
BADET: Tanga! ‘Yang bulsa mong nakaumbok. Pang malakasan ba ulit ‘yong dala mong panyo?
(Dudukutin ni Nessa ang bulsa at ilalabas ang kupas na pulang malaking panyo na nakatupi nang pahaba.)
NESSA: Ah, ito. Bakit?
(Aagawin ni Badet ang panyo ng kaibigan at ibubuladlad ito.)
BADET: Oh, ayan, pwede na ‘yan.
NESSA: Pwede ng ano?
BADET: Pantakip sa ano mo…
(Ingunguso ang pribadong parte, sa ibaba, ng kaibigan.)
(Mapapatakip si Nessa, gamit ang dalawang kamay, sa gawing pekpek, at biglang pagdidikitin ang kan’yang mga binti.)
BADET: Sabi ng lola ko, magkakamukha lang naman daw ‘yan. Kaya ang turo n’ya, kapag daw walang malapit na CR tapos ihing ihi na kami pwede na raw sa talahiban. Tatakpan lang daw ng payong o panyo o kung anong meron ang mukha. Dahil magkakamukha naman daw ang pekpek!
(Aagawin ni Nessa ang panyo n’ya pabalik.)
NESSA: Akin na nga ‘yan! Hogeng ka talaga.
BADET: Ano, tara doon sa likod ng building?
NESSA: Gago! Umarya na naman ‘yang hogeng mo.
BADET: Ang arte naman kasi, tara na! Kakadada natin nang kakadada ng tungkol sa ihi, bothered na rin tuloy ang pantog ko, Besh.
(Hihilahin ni Badet ang kaibigan.)
BADET: Ano, lika na kasi!
NESSA: Wait lang. Konti na lang.
(Ilalabas ni Badet ang tyane mula sa bulsa ng palda. Mapapansin agad ito ni Nessa.)
NESSA: Ano ‘yan?
BADET: Ay, ito, Besh? Raketa ‘to, raketa, kita mo! Bilan din kita mamaya tapos badminton tayo, Besh. Usto mo ‘yon?
NESSA: Puro ka kagaguhan. Alam kong tyane ‘yan. Ang ibig sabihin para sa’n. Hogeng na ‘to!
BADET: Pangbunot ng puting buhok, Besh. Feeling ko dito na ako tatanda, sa tagal mo.
(Matatawa si Nessa.)
NESSA: Siraulo! Eh, bakit may baon kang gan’yan!
BADET: Hmm, bakit nga ba? A. Pambulag sa mata ng mga manyak nating kaklase. B. Pang sundot ng kulangot. O, C. Pambunot ng buhok sa kili-kili, at…
(Ingunguso ulit ni Badet ang gawing pekpek ng kaibigan. Mabilis naman itong tatakpan ni Nessa.)
NESSA: Hogeng!
BADET: Arte! Malamang pangbunot ng tumutubong kilay.
NESSA: Bakit kasi binubunot mo pa kilay mo? Kinaganda mo ba ‘yun?
(Hahawakan ni Badet sa babà ang kaibigan at itututok ang mukha nila sa isa’t isa. Saka s’ya magbu-beautiful eyes.)
BADET: Bakit, hindi ka ba nagagandahan sa akin?
(Hindi makagagalaw at makapagsalita si Nessa. Manlalaki ang mata n’ya nang biglang unti-unting ngumuso si Badet.)
(Gagayahin ni Badet ang tunog ng ihi gamit ang kan’yang bibig.)
BADET: Weeshhh-weesshhh-weeeeshhh
(Biglang tataas ang balikat ni Nessa na parang kinikilig. Itutulak nito ang kaibigang si Badet sa asar.)
NESSA: Gago!
BADET: Abay, gago ka rin! Nakakailan ka na, Vanessa Mae Gomez, ha! Malapit na kitang isumbong sa nanay mo. Tignan ko kung hindi ka maihi!
NESSA: Hogeng! (Sa impit na boses) Kaya pa naman.
BADET: Naku, lakasan mo, Besh! Baka hindi ka marinig ng pantog mo. Mamaya may tumutulo na pala d’yan sa palda mo.
(Yuyuko si Nessa at pagdidikitin ang mga binti.)
NESSA: Gago!
BADET: Aba! Bakit ba kasi ayaw mong umihi nang may kasabay?
(Yuyuko si Nessa.)
NESSA: Alam mo naman ‘di ba ‘yong nangyari no’ng nakasabay kong umihi ang spice girls.
BADET: Malamang! Nasa pinto pa rin nga no’ng unang cubicle sa first floor, ang ebidensya, eh! Pulang cutix pa ang ginamit! (Mumuwestra na parang gumagawa ng bandera.) “NESSA NAWASA, IHING GRIPO.”
NESSA: Inaasar tuloy ang ng mga kaklase nating hindi na ako virgin.
BADET: Eh, ano naman? Kapag malakas umihi maluwang na agad? Saka ano naman kung hindi ka na virgin?
(Saglit na katahimikan.)
NESSA: Bakit ikaw, hindi ka na ba virgin?
BADET: Kapag counted ‘yong ano. Charot! Virgin pa. Ke virgin o hindi, wala ‘yong kinalaman sa karapatang umihi!
NESSA: Sabagay. Hindi ko nga gets kung bakit andaming “hindi na virgin si ano,” “maluwang na si kwan,” na vandal sa CR.
BADET: Basta, ‘wag mo ng pansinin ‘yong mga pabebeng ‘yon. Nahipan lang ‘yon ng masamang hangin kaya siguro nilipad mga utak. Tambay kasi nang tambay sa CR para mag-makeup.
(Med’yo matatawa si Nessa.)
BADET: Saka gumaganti lang ‘yon sa ‘yo kasi ‘di ba sabi mo nahuli mong nagfi-finger ‘yong leader nilang si Joanna.
NESSA: Ay, gago! Hi-hindi ko naman sinasadya ‘yon. Kasi naman hindi n’ya na-lock ‘yong pinto.
BADET: Ay, teka, boyfriend ba n’ya ‘yong isang gagong senior high na nakasalubong natin noong isang araw tapos binunggo ka tapos sabi…
(Papalimin ni Badet ang boses at saka sasabyan ng swag.)
BADET: Pare, mali ka ng sinisilipan.
(Mangingiti si Nessa saka tuluyang magkukwento.)
NESSA: Tapos nagbiro ang kaibigan n’yang isa. Na maitim daw singit ni Joanna kaya wala akong makikita.
(Tuluyang matatawa si Badet pero tuloy pa rin ang kwento n’ya.)
BADET: Tapos nagsuntukan ang mga gunggong, na-guidance office tuloy. Tawang tawa ko doon, eh!
(Mapapangiti si Nessa habang pinapanood ang pagkukwento ng kaibigan.)
BADET: Tawa-tawa ka d’yan sige lagot ka kapag natawa rin ‘yan…
(Ituturo muli ni Nessa gamit ang nguso ang gawing pekpek ng kaibigan.)
NESSA: Kasi naman, eh!
BADET: Anong kasi naman? Ayan, oh, 20 mins na lang matatapos na lunch break. Ano, iihi ka ba o hindi?
NESSA: Iihi.
BADET: Good! Dedma na kasi, Bakla!
(Bubulong nang med’yo malakas si Nessa.)
NESSA: Hindi ako bakla.
BADET: Alam ko! ‘Tong tibong ‘to. Ganda ka?
(Iirap lang si Nessa. Matatawa naman si Badet.)
BADET: Pero in fairness, ha. Mas magaling ka pa ring umirap kaysa sa akin! Turuan mo nga ako, Besh. Ang sarap irapan noong mga mababahong kaklase nating lalaki na ‘kala mo naliligo kung makakindat!
(Matatawa si Nessa habang umiiling. Hihilahin na n’ya ang kaibigang si Badet.)
NESSA: Tara na nga ihi na tayo!
(Magbibiro si Badet na para bang nagdadasal.)
BADET: Haay, jusko, Jesus Lord, Papa God, Mama Mary, Santa Nena, Mother Theresa of Calcutta, maraming salamat po, sa wakas ay naliwanagan na ang aking mahal na kaibigan na dapat n’yang i-prioritize ang pantog n’ya bago ang kuda ng ibang tao.
(Mapapailing na lang si Nessa habang tatawa-tawa.)
(Didiretso sana si Nessa sa dulong CR, kaso nang hilahin n’ya ang pinto nito ay sarado. Mapapansin naman ito ng kaibigang si Badet.)
BADET: Baka barado na naman, Besh. Alam mo naman ‘yong mga ayaw magpakatao nating schoolmates ang alam lang ay umihi at tae. Parang hindi ituro sa kanila ang magbuhos. Daig pa ng mga alaga naming pusa at aso na marunong magtabon ng dumi nila, jusko.
(Lilipat sa ikalawang cubicle si Nessa. Habang mauuna namang pumasok ng unang cubicle si Badet. Isasara na sana ni Nessa ang cubicle na pinasukan n’ya nang biglang sumigaw si Badet!)
BADET: Palaka-palaka! Ahhh, syet, palaka!
(Sisilipin ni Nessa ang kaibigan. Lalantad sa audience ang puno ng vandal na pinto ng mga cubicle.)
NESSA: Oh, napa’no ka? Nasa’n n’yon palaka?
(Ituturo ni Nessa ang bowl sa loob ng cubicle.)
NESSA: Asan?
BADET: Ayan, oh, may palakang umihi. Jusko, nag-iwan pa ng bakas ng sapatos ‘yong palaka, Besh, kadiri!
(Matatawa si Nessa.)
NESSA: ‘Kala ko naman totoong may palaka.
BADET: Totoo nga! Ito schoolmates natin na nag-aasta mga palaka! Parang mga hindi naturuang gumamit ng public CR. Hindi ko gets kung ba’t kailangan nilang umihi ng nakatalungko. Kadiri, eww!
(Maglalabas si Badet ng tissue mula sa kan’yang bulsa at agad na pupunasan ang bowl na may bakat ng sapatos.)
BADET: Buti na lang nagsubi ako ng tissue doon sa kinainan natin, Besh. Haay, kelan kaya mag-aasal tao ang tao. Nakakapagod ng laging mag-adjust, Besh.
NESSA: Naks! Lalim no’n ah. Ikaw ba ‘yan?
(Idadampi ni Nessa ang harap at likod ng kan’yang palad sa noo ni Badet. Mapapakunot naman ang noo ni Badet habang sinusundan ang ginagawa sa kanya ng kaibigan.)
BADET: Ginagawa mo?
NESSA: Chi-check ko lang kung may lagnat ka.
BADET: Gago! Besh, may time ka pa talagang mang-asar, ah! Natuto ka na talaga sa akin, eh, no? Umihi ka na nga do’n!
(Ngingiti-ngiti lang si Nessa habang tinutulak s’ya si Badet.)
(Isasara na ni Badet ang pinto ng unang cubicle.)
(Kakasara lang ni Nessa ng pinto ng ikalawang cubicle nang marinig n’ya ang malakas na boses ng kaibigan na para bang may binabasa.)
(Hindi makikita ang sa entablado sina Badet and Nessa.)
BADET: “Malaki ang suso ni Marie,” “Maitim ang singit ni Joanna,” “Nessa Nawasa, Ihing Gripo, ang that’s my tomboy ng Kanto Tinio.” Besh, may update na ‘yong vandal tungkol sa ‘yo! May drawing pa! Makapal daw ‘yong buhok ng ano mo.
NESSA: Hogeng! ‘Wag ka ngang magulo d’yan nagko-concentrate ako dito.
BADET: Bakit umurong na ba ihi mo?
NESSA: Gago!
BADET: Pero, Besh. May tanong pala ako. Kung okay lang, ha. Pwede mo namang sagutin kung hindi ka kumportable.
NESSA: Owws?
BADET: Oo, nga. Basta pwede kitang sabunutan kapag nag-inarte ka!
NESSA: Sabi na, eh.
(Matatawa saglit si Badet saka bubuwelo para magtanong.)
BADET: Ano ready ka na ba, Besh?
NESSA: May magagawa pa ba ako?
BADET: S’yempre… wala! Anyway, Besh, here’s my question.
(Magkakaroon ng saglit na katahimikan, marinig ang mahinig tunog ng pag-ihi ni Badet.)
BADET: Paano ka umiihi, besh?
NESSA: Ha? Gago, anong paano ako umiihi? Hanep na tanong ‘yan. Kanina lang ang tali-talino mo? Humupa na ba lagnat mo? Malamang nakaupo! Ikaw paano ka ba umiihi? Nakatuwad?
BADET: Ahh, nakaupo. Pero, hindi mo pa ba na-try umihi ng nakatayo? I mean, ako na-try ko na sa bahay, tapos natuloy akong maligo kasi umagos ihi ko sa binti’t panty ko.
(Maririnig ang tawa ni Nessa.)
NESSA: Dati, noong bata ako, lagi kong pina-practice umihi nang nakatayo. Dati kasi med’yo naiingit ako sa mga pinsan ko kapag naglalaro sila ng pataasan sila ng ihi sa pader ng bahay nila Lola. Pero noong, ano, ‘di na nababasa panty ko habang umiihi ng nakatayo, ang secret pala ay dapat pala med’yo naka-forward katawan mo, ayun, nagsawa na rin ako. Kasi naiisip ko ano bang pinapatunayan ko. Kaya tinigilan ko na.
BADET: Nosebleed, Besh. Ang lalim, ‘di ko keri!
NESSA: Ewan ko sa ‘yo! Wala kang kwentang kausap kahit kelan.
BADET: Ay, wow. Pero, Besh, ito: anong gamit mo, panty o brief?
NESSA: Panty malamang! ‘Yon ang binibili ni Mama, eh. Hogeng ka talaga, eh, ‘no? Pero, alam mo ba, minsan ginamit ko brief ni Kuya. Parang, ano, parang mas okay.
(Hihinto saglit sa pagsasalita si Nessa.)
NESSA: Hindi kasi nagagasgas ang singit ko.
(Matatawa nang malakas si Badet.)
BADET: Akala ko naman ano.
NESSA: Ano?
BADET: Wala. Joke lang, Bakla!
NESSA: Bakla na naman.
BADET: Bakit, anong masama sa bakla? Expression lang naman ‘yon, ah! Ako, okay lang tawagin na bakla!
(Saglit na katahimikan.)
BADET: Pero, ito, Besh, kelan mo nalaman na ano ka?
NESSA: Anong “ano”?
BADET: Ano bang tamang term? Ayaw mong tinatawag kang bakla tapos todo irap ka naman kapag sinasabihan kang tibo. So, ano, kelan mo na lang nalaman na… Na hindi ka is-tre-eyt?
NESSA: Bakit ikaw, kelan mo ba nalamang “is-tre-eyt” ka?
BADET: Ah, eh, ano.
NESSA: Ano? Saka, sure ka bang straight ka?
BADET: Besh, bakit gan’yan ka! Wag mo kong masyadong pinag-iisip. Makukulot na naman ‘tong buhok ko.
(Matatawa si Nessa.)
NESSA: Eh, bakit ka ba biglang curious?
BADET: Ah, ano. Kasi…
NESSA: Kasi?
(Maririnig ang mala-gripong ihi ni Nessa.)
(Matatawa nang malakas si Badet.)
BADET: Wala. Ano, ‘yong gripo mo kasi, ay este, hayop kasing pekpek na ‘yan. Ano, gusto lang kitang maintindihan!
NESSA: Malabo ba ako? Mag-iisang taon na tayong mag-seatmate, recess, at lunch break buddies, naguguluhan ka pa rin sa ‘kin?
(Magkakaroon ulit ng saglit na katamikan. Biglang maririnig ang paghagok ng flasher mula sa cubicle ni Badet.)
BADET: Jusko, sira na naman ang flasher dito, Besh! ‘Di ba kagagawa lang nito last week? Nangigigil talaga ako sa mga schoolmate natin, naku, Besh! ‘Di ko na lang talaga alam kung anong meron ng mga kamay ng mga gago, binabahayan yata ng kiti-kiti at ang lilikot!
NESSA: May tubig sa timba dito. Bigyan na lang kitang pambuhos mamaya.
BADET: Okay, haay, buti na lang. Salamat, Besh!
NESSA: ‘Di mo pa sinasagot tanong ko?
BADET: Ha? Anong tanong, Besh? ‘Di ba ako ang nagtatanong?
NESSA: Sabi ko, nalalabuan ka pa rin ba sa akin hanggang ngayon?
BADET: Ha, eh, hindi naman sa gano’n, Besh. Ano lang kasi… Gusto ko lang malaman kung kelan mo ba nalaman.
NESSA: Kinder. May kaibigan ako noon, si Ninya. Lagi kaming sabay umuuwi.
BADET: Tapos?
NESSA: Tapos, ano, wala, naglalakad lang kami. Tapos magkahawak kamay namin. Tapos masaya lang. Parang mas masaya ‘yon kesa pagdami ng alaga kong kisses noon.
BADET: Ay, wow, Bakla, kinder ka pa lang maharot ka na!
(Matatawa si Nessa.)
NESSA: Bakit, ikaw hindi?
(Matatawa rin si Badet.)
BADET: So, kinder ka pa lang nagkaka-crush ka na sa babae? Pero, never ka bang nagka-crush ng lalaki?
NESSA: Nagka-crush din naman. Pero, saglit lang. Kapag hindi ko na nakikita ‘yong cute na lalaki, hindi ko na rin naalalala. Saka, parang madalang. Minsan kasi feeling ko kapag tinitignan ko ‘yong mga lalaki ang baho nila, amoy pawis ba.
BADET: Ay, Besh. Santo ka, hindi ka pinanapawisan?
(Matatawa ulit si Nessa.)
NESSA: Hindi naman. Pero, bakit ikaw hindi ka pa ba nagka-crush ng babae?
(Hindi mamakasagot si Badet. Magkakaroon ng saglit na katamikan nang biglang silang makakarinig nang ungol ng isang babae na mukhang nangggaling sa dulong cubicle. Papalakas nang palakas ang ungol.)
(Mapapa-“syet” nang mapansin n’yang lumakas ang boses n’ya. Agad itong lalabas mula sa ikatlong cubicle nang nakayuko at tumatakbo. May mahuhulog na pulang bote ng nail polish mula rito na gugulong papalapit sa pinto ng ikalawang cubicle.)
(Agad ding mapapalabas sa cubicle nila si Badet at Nessa.)
BADET: Si spice girls leader ba yata ‘yon, Besh?
NESSA: Si Joanna?
BADET: Yes, Besh. Syet, alam na this!
(Mapapansin ni Nessa ang cubicle sa gawing paanan n’ya. Pupulutin n’ya ito. Hahawakan sa katawan. Lalapitan ito ni Badet. Titignang mabuti ang hawak ng kaibigan.)
BADET: Cutix? Ba’t basa ang hawakan, Besh? Ano ‘yong puti na ‘yan?
(Magkakatinginan ang dalawang magkaibigan—manlalaki ang mata at mangingiti.)
Lights out.
This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.