Kung minsan, humihiwalay ang anino
kapag malalim na ang panaginip ng pagod na mga mata.
Uuwi ito sa sariling tahanan,
babalik sa sariling buhay.

Madaratnan sa loob ng kanilang kwarto
ang magkayapos na kaniyang mag-ina,
nakatulog na sa paghihintay niyang bumalik.

Hahalikan niya ang asawa sa pisngi, ang anak sa noo.
Kukumutan ang dalawa bago muling lumabas ng silid.
Dahan-dahang isasara ang pinto
at muling babalik sa katawan
bago pa ito maalimpungatan at magising.

Bukas kung malalim ulit ang gabi, muli siyang bibisita.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Joshua Mari Lumbera

Si Joshua Mari B. Lumbera ay tubong Laguna, kasalukuyang nasa ikalawang taon ng kaniyang kolehiyo sa Pamantasan ng Cabuyao sa kursong BS Psychology. Siya ay kasapi ng Sunday Writing Class, isang pangkomunidad na samahan ng mga kabataang manunulat sa kanilang lugar na pinangungunahan ni Bum Tenorio ng Philippine Star.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.