Maya’t maya ang pagdaan mo sa aking mga baytang, 
Tila isang dambuhalang dumadagan sa katawan. 
Malimit pang magmadali ang hakbang mong may pagyanig, 
Na para bang isang lindol at ikaw lang itong manhid. 

Kadalasan ay ako rin ang ‘yong tagpuang-pag-ibig, 
O di kaya ay upuan o patungan ng iyong gamit. 
Sa akin mo rin iniiwan ang basurang ikinalat, 
At ang dura mong animo’y luha niyong mga ulap. 

At sa hula ay muli kang nanlalata sa pagdating, 
Mabibigat ang iyong hakbang at mayroon kang hinaing. 
Sinabi mo’y pagod ka na sa pagbaba at pagpanhik, 
Tugon sana’y pagod na rin ako sa iyong pagbabalik.

 

Aklat Antolohiya ng LIRA Fellows 2018, Great Concept Printing Co., November 2018

Liwayway Magazine, Manila Bulletin, Marso 2019

By John Christopher Lubag

Si John Christopher DG. L?bag ay nagtapos ng Bachelor in Secondary Education Major in English sa La Consolacion University Philippines noong 2016. Nanalo siya ng ikalawang gantimpala para sa pagsulat ng dagli sa ilalim ng pamunuan ng The Writers' Bloc kasama ang Center for Creative Writing?PUP noong Pebrero 2017. Kabilang siya sa mga nagtapos na fellow ng Palihang LIRA Poetry Clinic 2018 ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Nakapaglathala na rin siya ng tula sa Liwayway Magazine nitong Marso 2019. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng Senior High School sa isang pampribadong eskuwelahan sa Bulacan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.