Kinukulog ng makulimlim na langit
ang tambol ng sikmura,
at sa ulol niyang paghiraya,
ang bawat dagundong ay katok
sa pinto ng puwedeng dulugan
habang nag-aabang sa ayudang tulad ni Godot,
tatawag siya sa misis na nahimpil sa siyudad.
Sinusubukang tumawid ng mga tinig sa selpon,
yaring mga kinurakot na kumustahan,
mga lata ng kuwentuhang napanis at nais ipainit,
mga sobra sa hinog nang paglalambing.
Subalit berdugong lambat itong trapiko ng signal.
Nilukot na papel ang boses ng pag-ibig.
Hanggang ang ligalig ng salop ng puso
ay nandayuhan sa mga likot ng binti.
Parang pagsunod sa aguhon
itong paggalugad para sa malinaw na linya.
Subalit sa gitna ng mga ligaw na hakbang,
walang hiling na nakauwi,
hindi ang ayuda o aruga ng sinta,
kundi ang singhal ng pulis
at ang balang itinanim sa sikmura.
Hinugasan ng ulan ang aspalto,
ang piping kuwento ng bangkay
na doble ang katay.
This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.
kukuwa ng idea