Sa kabila ng kabi-kabilang pagtutol—na kahit ang mga dukha ay may mga karapatang-pantao rin—itinuloy ang pag-aresto at pagkapon sa mga lalaking natutulog sa lansangan. Nangyari ito isang taon makalipas pirmahan ng Pangulo ang isang executive order nang tuluyang mabawasan ang pagdami ng mga batang hamog na nagnanakaw sa mga pampublikong sasakyan. Halos isang milyon ang kinapon. Hindi makapaniwala ang lahat na ganoon na karami ang mga nakatira sa kalsada. At tila biro ng tadhana, pinatalsik ang Pangulo at kinuha ang lahat ng kaniyang mga ninakaw sa sambayanan. Ngayong wala na siya ni isang kusing, nakatakda na siyang kapunin.
By Mark Anthony Angeles
Si Mark Anthony Angeles ay isang full-time instructor sa Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng Edukasyon ng Unibersidad ng Santo Tomas. Kasama sa mga aklat niya ang Kuwento ng Dalawang Lungsod, isang salin sa Filipino ng A Tale of Two Cities ni Charles Dickens, na inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino at National Commission for Culture and the Arts noong 2018. Ang kaniyang kontribusyon ay ang huling tatlong dagli sa kaniyang Ang Huling Emotero, isang koleksiyon ng 144 dagli at isang kritikal na papel na tumalunton sa kasaysayan ng nasabing katutubong anyo sa bansa. Inilathala ito ng University of the Philippines Press noong 2021.