Pula ang Unang Kulay ng Bahaghari
Bakla
ay korona
ng kamay
ay palasyo
ng kalabit at titig
ay katedral
ng halik
at pagtatalik
bakla ay paghila
sa dilim lihim
muling panananalig
na malulusaw
ang damit
ng lungsod
na may lason
ang bibig bakla
ay lohika
ng pandama
ay nanunuot
sa mga eskinita
ang iyong sugat
ay parang lalaking
kay daling
mababasag bakla
ay huwag
humingi
ng paumanhin
sa aparador
ay huwag
matakot
sa salamin
bakla ay
awra at
barikada
ganda
at protesta
ay hindi
matahimik
na ligaya
bakla ay
rumarampa
sa mga lansangan
kahit pagmamahal
kahit dangal
ay pakikidigma
bakla ay
pag-asa
at pagnanasa
sa isa’t isa bakla
ay nais kitang
makasama
makitang
umuwi
sa kabilang
bahagi ng gabi
doon totoo
ang mundo
doon totoong
nabubuhay
tayo sa mundo.
This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.